‘Holdaper’ nginuso ng concerned citizen, huli

May 23, 2022 Edd Reyes 92 views

ARESTADO ang umano’y kilabot na holdaper matapos inguso ng ilang concerned citizen sa pulisya ang patuloy na paggala nito habang nakasukbit ang baril na ginagamit sa panghoholdap Lunes ng hapon sa Malabon City.

Bukod sa nakuhang kalibre .38 baril na may kargang dalawang bala, nakumpiska rin ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 na pinamumunuan ni P/Lt. Mark Xyrus Santos kay Edison De Jesus, Jr. alyas “Bato”, 27 ng Block 11, Lot 21, Phase 3, E-1, Pla-Pla St. Dagat-Dagatan, Brgy. 12, Caloocan City ang anim na piraso ng plastic sachet ng shabu na nakapaloob sa bitbit niyang itim na belt bag.

Sa ulat na tinanggap ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot, sunod-sunod na tawag ang natanggap ng mga tauhan ng Sub-Station 5 hinggil sa patuloy na paggala ng kilalang holdaper na si alyas Bato sa kanilang lugar sa Pla-Pla St. kaya’t iniutos ni Lt. Santos sa dalawa niyang tauhan na magmanman at tiktikan ang galaw ng sinasabing suspek.

Bago mag-ala-una ng hapon ay natiyempuhan ng mga pulis ang suspek na nakabalandra pa sa kanyang baywang ang nakasukbit na baril kaya’t dito na siya inaresto ng pulisya.

Nasa humigit kumulang na 2.6 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P17,680 ang nakuha sa kanya nina P/Cpl Michael D Allanic and Pat. Reynaldo T Villarosa Jr, bukod pa sa kalibre .38 niyang revolver.

Ayon kay Col. Barot, naiprisinta na ang suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office kaugnay sa mga kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 at R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act. Ni EDD REYES

AUTHOR PROFILE