Holdaper ng tindahan hinabol ng may-ari, kulong

August 16, 2022 Edd Reyes 199 views

PUMALAG ang 52-anyos na may-ari ng isang sari-sari store sa holdaper na nagpanggap na customer matapos niyang habulin ang suspek habang humihingi ng tulong na naging dahilan ng kanyang pagkakadakip Lunes ng hapon sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela Police Station Investigation Unit (SIU) chief P/Lt. Robin Santos ang suspek na si Joel Oronce, 34, ng Torres Bugallon St. Brgy. 9, Caloocan City na nakiumpiskahan ng balisong na kanyang ginagamit sa panghoholdap.

Sa imbestigasyon, bumili ng sigarilyong nagkakahalaga ng P1,150 sa tindahan ni Maritess Alvarez sa San Agustin Village, Brgy. Mapulang Lupa ang suspek subalit nang maibigay ay hindi kaagad nagbayad at sa halip ay umorder pa ng ilang mga paninda sa biktima.

Habang inihahanda ni Alvarez ang iba pang binibili ng suspek, bigla na lamang kumaripas ng takbo patakas ang lalaki, tangay ang hindi binayarang sigarilyo, kaya’t kaagad na lumabas ng kanyang tindahan ang ginang at hinabol mag-isa ang suspek habang nagsisisigaw na humihingi ng tulong.

Nakatawag pansin naman sa mga kalalakihan sa lugar ang pagsigaw ni Alvarez, pati na sa mga nagpapatrulyang pulis na sina P/SSgt. Rigo Agustino at P/Cpl. Al Sanches ng Sub-Station 8 ng Valenzuela police, kaya’t kaagad nilang nasukol ang kawatan at nabawi sa kanya ang mga tinangay na sigarilyo.

Kasong pagnanakaw at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 o illegal possession of deadly weapon ang kinakaharap ngayon ng suspek sa piskalya ng Lungsod ng Valenzuela.

AUTHOR PROFILE