Default Thumbnail

‘Historical sabong’ ng Presidente at ng Bise-Presidente

May 28, 2021 Allan L. Encarnacion 531 views

Allan EncarnacionIDEAL naman talaga sana iyong setup na nagtutulungan ang Presidente at ang Bise Presidente sa pagsusulong ng kaayusan ng bansa.

Matapos ang 1986 revolution, hindi na tayo nakakita ng magkasundong Pangulo at Pangalawang Pangulo. Iyong kina Pangulong Cory Aquino at Doy Laurel ay shortlived honeymoon lang dahil kalaunan, nagsabong din ang dalawa.

Pagkatapos nila Cory at Doy, naging Pangulong si Fidel Valdez Ramos at kanyang Bise Presidente ay si Joseph Estrada. Silang dalawa lang siguro ang kahit paano’y maayos ang naging samahan. Binigyan ni FVR ng posisyon si Erap bilang anti-crime czar na bumuwag sa maraming kidnap-for-ransom syndicate at mga sindikatong kinasasangkutan ng mga pulis. Ultimately, naging daan iyon para kilalanin ng publiko ang kontribusyon ni Erap na kalaulan ay inihalal siyang Pangulo.

Ang maganda kay Erap noon, hindi siya bumabatikos kay FVR. Basta siya trabaho lang. Hindi man parang sweetheart ang tambalang Ramos at Erap, wala naman tayong natatandaang mainit na bangayan ng dalawa.

Nang maupo si Gloria Arroyo, ang kanyang bise-presidente ay si Noli De Castro. In fairness kay Kabayan, mabuting Pangalawang Pangulo rin naman siya. Maingat sa pagbatikos kay Gloria kahit santambak ang isyu noon.

Matapos ang Hello Garci scandal at serye ng malalaking katiwalian, kasama ang ZTE scam, sumubsob ang popularidad ni Gloria. Mayorya ng mga Pilipino ay nananawagan na ng resignation ni Ginang Arroyo. Mainit at umaapoy ang pulitika, lumalabas na ang tao sa kalsada para pagbitiwin siya.

Tahimik si Kabayan, walang kibo hanggang nabalitaan na lamang natin na nasa Hong Kong siya para makipagkita sa mga “broker politician” ng transition government. May mga oligarchs at lider ng anti-Gloria senators ang nasa Hong Kong noong panahong iyon para ligawan si Kabayan.

Kinumbinsi nila si Noli na kumibo na at ipanawagan ang resignation ni Gloria na susundan ng pagpapasumpa sa kanya bilang Pangulo dahil siya naman ang Constitutional successor.

Palibhasa’y hindi naman gahaman sa kapangyarihan si Kabayan, nabigo ang mga kumubinsi sa kanya kaya na-survive ni Gloria ang biggest political storm na dumating sa kanyang administrayon. Sabi nga, and the rest is history.

Nang maupo naman si Pangulong Noynoy at Vice President Jojo Binay. maigsi lang din ang honeymoon period nila. Nang maghayag si Binay na kakandidatong Presidente sa 2016, rumatsada na ang panggigiba sa kanya.

Maraming maanghang na salita ang binitawan ni Binay laban sa Noynoy administration kaya habang lumalapit ang 2016, dinaganan na ng sangkatutak na isyu si Binay hanggang makasuhan ito at kalaunan ay matalo sa eleksiyon.

Noong 2016, sila Pangulong Duterte naman at VP Leni Robredo na magkahiwalay rin ng partido. Bagama’t may mga nagsusulong ng one vote for President at Vice President, mukhang hindi rin ito uubra sa atin kasi nga, ang daming tsutsu at magugulo sa pulitika rito. Sa dami ng bumubulong, naiimpeksiyon ang tainga ng Pangulo kaya pag narindi, sapul ang VP!

Maganda na sana ang simula ng tambalang Duterte at Robredo pero maigsi rin ang “pagmamahalan.” Ipit si Leni dahil under pressure rin siya sa LP na bumatikos sa Pangulo.

Ngayong nag-aalok si Leni na tumulong at maging riding in tandem sila ni Digong sa kampanya para sa bakuna, siyempre hindi naman ganoon kadaling tanggapin ng mga nakapaligid sa Palasyo iyon.

Sabi nga, sunud-sunod ang suntok at buga ng apoy ni Leni kay Pangulong Duterte at sa kanyang mga pandemic response, tapos biglang mag-aalok ng pagtulong. Una, double edge ang tingin natin dito dahil kapag tumanggi ang Palasyo, ipagkakasalanan na naman ng publiko si Pangulong Duterte at makikinabang naman si VP Leni.

Sa bandang huli, ang tingin ko, iyong pagsuporta para mapalawak ang tiwala sa bakuna ay hindi na kailangan ng tandem ng Pangulo at Bise Presidente dahil tiyak naman na hindi sila magkakasundo.

Baka lalo pang matakot magpabakuna ang tao kasi iisipin nila, ang pagiging palaaway pala ang side effect ng mga itinurok na vaccine sa Pangulo at Pangalawang Pangulo.

Sabi nga, mas magandang gawin na lang ni Leni ang pagtulong sa Duterte administration nang walang opisyal na pagtanggap sa palasyo dahil kung tutuloy-tuloy ito, baka in time, kilalanin na rin ng gobyerno at ng publiko ang kanyang kontribusyon.

[email protected]