Hinog na sa pulitika si Mayor Lani Cayetano

February 9, 2022 Edd Reyes 193 views

Edd ReyesISA sa pinakabatang nahalal na alkalde sa Metro Manila ang kasalukuyang kongresista ng ikalawang distrito ng Taguig City na si Rep. Laarni “Lani” Cayetano, ang butihing maybahay ni Cong. Alan Peter Cayetano.

Noong mahalal bilang alkalde ng taong 2010 sa edad na 29 si Mayor Lani, isa ako sa kanyang mga naimbitahan na sumama sa pagbiyahe sa Tagaytay City, bilang pasasalamat sa mga sumubaybay sa ginanap na halalan sa lungsod ng Taguig dahil noong panahon na iyon, masalimoot ang takbo ng pulitika sa lungsod bunga ng pagtutunggali ng mahuhusay na pulitiko.

Doon namin nakita ang magandang ugali ni Mayor Lani sa labas ng kanyang tanggapan na mistulang hindi isang opisyal ng pamahalaan dahil kung makisalamuha sa mga tao ay parang ordinaryo rin lang siyang kaibigan o ka-tropa at game sa anumang usapan o biruan na tila isang estudyante lang sa high school.

Marami pa nga ang nagtaas ng kilay sa pagkakapanalo ng kauna-unahang babaing naging alkalde ng Taguig City dahil inakala nila na hindi pa hinog sa napakamurang edad si Mayor Lani para pamunuan ang isang lungsod na patungo na sa pagiging progresibo dahil nasasakop nito ang Bonifacio Global City na isa sa central business district sa buong Kamaynilaan.

Pero sa unang taon pa lamang ng panunungkulan ni Mayor Lani sa lungsod ng Taguig, naglunsad na siya ng sunod-sunod na programa at proyekto na matagalang pakikibangan ng mga mamamayan ng lungsod.

Isa na rito ang Lifeline Assistance for Neighbors In-need o ang L.A. N. I. Scholarship Program, kung saan umabot kaagad sa mahigit 36,000 ang mga naaprobahang aplikasyon, mula lamang sa taong 2011.

Dahil sa matagumpay na proyekto at programang inilunsad ni Mayor Lani, mistulang naglaho ang agam-agam ng mga nagdududa sa kanyang kakayahan kaya’t nang sumunod pang mga taon, hindi na gaanong nahirapan pang magwagi ang may-bahay ni dating Sen. Alan Peter bunga ng lubos na tiwalang ibinigay sa kanya ng napakaraming Taguigeno

Nang matapos ang termino bilang alkalde ni Mayor Lani, naghain siya ng kandidatura bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng lungsod noong 2018 para sa mid-term election ng 2019 na madali niyang napagwagian.

Pumalit sa kanya ang kanyang bayaw na si Mayor Lino Cayetano na tulad ng unang pagtakbo ni Mayor Lani bilang alkalde ng lungsod ay hinabol din ng protesta ng kanyang mahigpit na nakatunggali bagama’t sa dakong huli ay napatunayang nanalo sa malinis na paraan.

Sa nalalapit na halalan ngayong 2022, muling sasabak bilang alkalde ng lungsod si Mayor Lani para palitan ang kanyang bayaw na si Mayor Lino pero hindi tulad ng dati na maraming nagsasabing hindi pa siya hinog sa pulitika, ngayon ay subok na talaga ang kanyang kakayahan kaya’t wala ng nagtataas ng kilay o nagdududa na kulang pa ang kanyang kaalaman.

Hindi naman naghangad pa ng ibang posisyon si Mayor Lino at sa isang kalatas na kanyang isinapubliko, sinabi niya na malugod niyang tinanggap ang pagbibigay daan sa kanyang Ate Lani na maupo bilang alkalde dahil naniniwala siya sa kahusayan at kagalingan nito sa pamumuno.

Siguro, ngayong hinog na hinog na sa pulitika si Mayor Lani, hindi na namin makikita sa kanya ang mga kilos noong bata pa siyang nahalal bilang alkalde na talaga namang nakapagbigay-aliw sa mga sumama sa kanyang biyahe sa Tagaytay.

MAYOR OCA, BUMISITA SA MGA BAKUNAHAN

Personal na binisita ni Mayor Oca Malapitan ang unang araw ng pagbabakuna laban sa COVID-19 ng mga batang nasa edad na 5 hanggang 11 sa SM Grand Central at taos-pusong nagpasalamat sa mga magulang na nagdesisyon at nagtiwalang pabakunahan ang kanilang mga anak.

Ipinaabot din ng alkalde ang pasasalamat sa lahat ng bumubuo sa SM Grand Central pati na rin sa mga frontliner na nangunguna sa programa sa malawakang pagbabakuna.

Naging matagumpay naman ang inilunsad na sabay-sabay na pagbabakuna sa mga edad na 5 hanggang 11 sa iba pang vaccination sites tulad sa Caloocan City Medical Center, Caloocan City North Medical Center, Caloocan Sports Complex at sa Bagong Silang Elementary School.

Ayon kay Mayor Oca, tanging Pfizer vaccine (0.2ml) ang ginagamit na bakuna sa mga bata matapos aprobahan ito ng Food and Drug Administration habang binigyang prayoridad naman ang mga nag-online registration na nakatanggap na ng text message para sa kanilang schedule.

Sa datos ng City Health Department, nasa 2,116 ang kabuuang bilang ng mga batang edad 5-11 ang nabakunahan sa unang araw pa lamang ng paglulunsad nito sa Lungsod ng Caloocan.

Sa mga nais magpadala ng komento o mungkahi, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363.

AUTHOR PROFILE