Hindi makatao ang ginawa kay Sass Sasot!

June 9, 2022 Marlon Purification 154 views

Marlon PurificationPARANG eksena sa pelikula ang ginawang talumpati ng sikat na vlogger na si Sass Rogando Sasot sa senior high school graduation rites ng Southern Philippine Institute of Science and Technology (SPIST) sa Imus, Cavite noong nagdaang Biyernes.

Pinatayan umano ng ilaw at mikropono si Sass habang nasa kalagitnaan ng kanyang talumpati.

Ayaw umano malapastangan ang lugar kung gagamitin diumano ito ng isang miyembro ng LGBTC community.

Sa kabila ng ginawa umanong pambabastos sa kanya, itinuloy ni Sass ang kanyang talumpati.

Ang mga estudyanteng magsisipagtapos ay naglabas ng kani-kanilang cellphone upang bigyan ng ilaw at liwanag si Sass.

Kahit madilim at walang mikropono, itinuloy nito ang talumpati na ang paksa ay kung paano maaabot ng mga kabataan ang kanilang pangarap sa gitna ng matitinding pagsubok at kahirapan sa buhay.

Kitang-kita sa video na isang lalaki (maaari nating sabihing isa sa mga security) ang nagtangka pang hilahin pababa sa stage si Sass. Ngunit hindi nagpatinag ang transgender activist at nagpatuloy ito sa pagbibigay ng magagandang salita sa mga graduating na mag-aaral.

Ang katapangang ipinakitang ni Sass ay nagbigay ng inspirasyon sa lahat na kahit anong klaseng panlalait ang gawin ng sinuman ay walang maaaring makapigil basta’t ito nasa tama.

Sinalubong ng masigabong palakpakan ang talumpati ni Sass.

Nasisiguro kong karamihan sa mga nakapanood nito sa social media ay labis na humanga sa kanya.

Ang ginawang pambabastos sa kilalang vlogger ay hindi makatao at hindi gawain ng isang tunay na Kristiyano.

Hindi tayo regular na tagabasa ng Bibliya, pero natitiyak nating wala kahit isang bersikulo sa Bibliya ang nasusulat na may karapatan bastusin ng sinuman ang kanilang kapwa tao.

Kudos sa iyo Sass and mabuhay ang LGBTQ community.