Hindi kayang duruin ng Tsina si Andres Bonifacio

November 29, 2021 Joey C. Papa 118 views

JoeyNagkaroon ako ng pagkakataong makausap ang ilang matatandang noo’y mga binatilyong tagagawa ng mga trinsera ng Rebolusyong Pilipino na pinangunahan ng Katipunan sa pamumuno ng magiting na si Andres Bonifacio.

Ang mga kuwento ng mga matatandang lalaki na nakatira noon sa Gagalangin Tundo Maynila ay kahanga-hanga. Sila ang naging partisanong lunsod ng Katipunan mula digmaan laban sa mga Amerikano, Espanyol at Hapones. Tinawag silang Sandatahan o Armas Blancas.

Ang mga binatilyong ito, idad 13 hanggang 14 , ayon sa kanila, noong panahon ng rebolusyon sila ang tumatambang sa mga sundalong Espanyol sa Meisic at iba pang lugar sa Maynila. Nag-aabang sila sa mga bubong ng mga tanggapan at kabahayan noon sa mga dadaang mga sundalo at lulundagin nila ang mga ito kasabay ng pagsigaw ng “sisid ang gulok ! ”

Ayon sa kanila, kusang loob silang sumama sa Katipunan na noo’y mga binatilyo pa lang at karamihan ay mga ulila na dahil pinatay ang kanilang mga magulang ng mga sundalong Espanyol at mga Hapones.

Maraming sundalong Espanyol at Hapones ang natakot noon sa Sandatahan. Ang tanging armas lang ng mga binatilyo ay ang matatalas na gulok o itak. Dating mga tagahukay ng trinsera para sa mga regular na Katipunero ang tungkulin ng mga kasapi ng Sandatahan.

Naging pamagat ng aking Dulang May Tatlong Yugto ang Sandatahan na nagwagi ng Grand Prize sa Palanca Literary Contest.

Natatandan ko ang kuwento ng mga matatandang Katipunero na nasa mahigit nang 85 ang gulang tatlong dekada na mahigit ang nakararaan.

Nakikita at nakasama ‘umano nila si Andres Bonifacio noon sa pakikihamok. Sa gabi, nililibot ni Andres ang Maynila, Rizal, at Bulacan sa pamamagitan lamang ng pagsakay sa isang bangka, tinutugaygay ang mga ilog at dumadaong sa maraming lugar upang magsagawa ng edukasyon sa mga iba’t ibang mamamayan ng maraming komunidad. Kung minsan ay inaabot na siya ng pagliliwanag ng araw na siyang naging dahilan upang tawagan ng pansin si Andres ng mga kasapi ng Sandatahan dahil manganganib ang kanyang kaligtasan.

Kung minsan, dahil masigla ang mga talakayan, binabantayan ng mga taga-Sandatahan Si Andres. Inaalalayan nila ito hanggang sa makaalis. Tila baga naging guwardya sila ng Supremo.

Nalulungkot ang mga matatandang Sandatahan sa sinapit ni Andres sa kamay ng mga taksil na siya ring nagpapatay sa kanya.

Kung nandoon lamang daw sila ay hindi sana nangyari ‘yon at naipagtanggol sana nila ang Supremo mula sa mga taksil ng himagsikan at nailigtas sa pagkamatay.

Nang bumalik ako sa lugar ng mga taga-Sandatahan ay hindi ko na sila nakita. Sinabi ng mga kapitbahay na umalis na sila lugar at tila kinuha ng mga anak dahil mahina na sila. Naalala ko tuloy ang sinabi nila sa akin na wala silang permanenteng tirahan mula pa noong Himagsikang 1896.

Sa pakiwari ko, kung buhay si Andres Bonifacio sa panahong dinuduro tayo ngayon ng bansang Tsina sa usapin ng west Philippine Sea, hindi ito palalagpasin ng Supremo ng Katipunan.

Paglalahad niya sa kanayang tula, “Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya? Sa pagkadalisay at pagkadakila. Gaya ng pag-ibig sa sariling lupa. Ano’ng pag-ibig pa, wala na nga, wala.”

AUTHOR PROFILE