Bistek

Hindi ako mahilig mangako — Bistek … isyu kay Kris, sasagutin sa Tarlac

April 2, 2022 Ian F. Fariñas 240 views

PINASALAMATAN ni dating Quezon City mayor at ngayo’y senatorial aspirant na si Herbert “Bistek” Bautista si Ruffa Gutierrez sa pagtatanggol nito na ipinost ng aktres sa Instagram.

Ito ay may kinalaman sa mga banat na tinatanggap ni Bistek sa social media.

Sa isang viral interview mula sa isang out of town campaign sortie ng BBM-Sara UniTeam, nahingan si Bistek ng reaksyon tungkol sa diumano’y sagutan nina Ruffa at Kris Aquino sa social media kaugnay ng pasaring ng huli sa Tarlac rally ng LeniKiko tandem na huwag iboto ang “ex” niyang hindi marunong tumupad sa mga ipinangako.

Ani Bistek, “Una, maraming salamat kay Ruffa dahil magkaibigan kami, eh, since she was 13. ’Yung mga tatay namin, magkasama sa… parehong artista na magkasama sa industriya ng pelikulang Pilipino. And ’yung kay Kris naman, eh, sinabi ko na kanina, sa Tarlac, pagpunta kong Tarlac, as you suggested, du’n na ako sasagot.”

Sinabi rin ng dating alkalde na ngayong Sabado, April 2, siya nakatakdang tumungo sa Tarlac.

Hirit pa ni Bistek, “Wala naman siyang binanggit na tao. So, basta ako, pagka… hindi kasi ako mahilig mangako, ginagawa ko na lang. Lalo na ’yung mga project ko sa Quezon City katulad nu’ng pabahay, VRRM, tungkol sa ospital, pagtatayo ng ospital, hindi ko naman ipinangako ’yon, eh, ginawa ko na lang. So hindi ako mahilig mangako.”

Ingat din niyang sinagot ang tanong tungkol sa naging ugnayan nila ni Kris noon.

“Alam naman yata ng mga tao ’yon. At one point or another, eh, nagkaroon kami ng ano… ng… ’yun lang, ayoko na magsalita, baka…,” sambit ni Bistek.

Nang usisain kung ano ang ipinangako niya sa dating presidential sister, pabirong sagot ng aktor-politiko, “Ako ay Pilipino, buong pusong… parang Panatang Makabayan,” sabay tawa.

At dahil Tarlac-bound si Bistek today, tinanong din siya kung bibisitahin ba niya si Kris.

Aniya, “Hindi ko alam kung nandu’n siya, eh. Kung nandu’n siya siguro, pero pagka wala naman siya di hindi ako makakabisita sa kanya.”

Bilang panghuli, pinush ng nag-iinterbyu ang tanong tungkol sa pa-blind item na IG post ni Ruffa na “be kind to everyone, including your ‘ex.’

Kaya ang bitaw ni Bistek, “Ay, hindi ko alam ’yan. Nabalitaan ko na lang. ’Di ko nabasa, wala, ’di kami nagkakausap masyado. So baka naman ibang tao rin ’yung sinasabi niya.”

AUTHOR PROFILE