Default Thumbnail

Higit sa P3M halaga ng shabu nasamsam sa isang HVI drug pusher

June 8, 2023 Edd Reyes 210 views

NAKUMPISKA ng pulisya ang mahigit sa P3 milyong halaga ng shabu sa 24-anyos na lalaking kabilang sa mga High Value Individuals (HVI) sa isinagawang buy-bust operation Miyerkules ng gabi sa Caloocan City.

Huli na nang matunugan ni Alnor Abbas, binata, at residente ng Block 54 Domato Avenue, Brgy. 188 na pulis pala ang nagbayad sa kanya ng P26,000 kapalit ngumano’y ibinenta niyang shabu sa inakala niyang magandang transaksiyon dakong alas-9:50 ng gabi sa harapan mismo ng kanyang tinutuluyang bahay.

Ayon kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio “Pojie” Penones, Jr. ikinasa ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta ang buy-bust operation makaraan ang mahigit isang linggong pagmo-monitor ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit, sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. Ronald Allan Soriano sa ilegal na aktibidad ng suspek.

Sa naturang operasyon, nasamsam ng mga tauhan ng DEU sa pangunguna ni P/SSgt. Rainier Brian Saez na siya ring nagpanggap na buyer ang dalawang may kalakihang plastic sachet na naglalaman ng 50 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P340 at apat na knot-tied na plastic bag na naglalaman ng 400 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P2,720,000, pati na ang markadong salapi na kinabibilangan ng isang tunay na P1,000 at 25 piraso ng P1,000 na boodle money.

Ayon kay Col. Lacuesta, may kabuuang halaga na P3,060,000 ang nasamsam ng kanyang mga tauhan mula kay Abbas, bukod pa sa ibinenta niyang shabu sa police poseur-buyer.

Sa panig naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Edgar Allan Okubo makaraang makarating sa kanyang tanggapan ang matagumpay na operasyon, kaagad siyang nagpaabot ng pagbati sa Caloocan City Police Station bunga ng hindi natitinag nilang dedikasyon sa pagsugpo sa ilegal na droga at paghuli sa mga taong sangkot sa pagbebenta nito.

AUTHOR PROFILE