Default Thumbnail

Higit P48M-shabu nasabat sa mag-asawa, utol ni mister

June 21, 2023 Edd Reyes 301 views

AABOT sa mahigit P48-milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakadakip sa mag-asawa at nakababatang kapatid ng lalaki, Martes ng hapon sa Paranaque City.

Sa ibinigay na ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Edgar Alan Okubo, isinagawa ang operasyon dakong alas-2:30 ng hapon ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), NCRPO-Regional Drug Enforcement Unit, District Drug Enforcement Unit ng SPD, Paranaque Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Police Sub-Station 6 sa Lot 5 Block 11 Camella Homes Don Bosco sa naturang lungsod.

Kinilala ni Kraft ang mga nadakip na sina Alfredo Ogali Egoy, 48, ang buntis na asawang si Normina Nandang, 38, at bayaw niyang si Alvini Ogali Egoy, 47, na pawang kabilang umano sa talaan ng mga high value individual (HVI) drug traders ng Paranaque City.

Isang tauhan ng PDEA na nagpanggap na buyer ang nakipag-transakyon sa mag-asawa para sa pagbili ng halos kalahating milyong halaga ng shabu na dahilan upang kumagat sa pain ang mga suspek na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.

Nakumpiska ng mga awtoridad sa mag-asawa at sa bayaw ng ginang ang humigit-kumulang sa 7.2 kilos ng shabu na may katumbas na halagang ₱ 48,960,000, iba’t-ibang uri ng drug paraphernalia, markadong salapi na kinabibilangan ng tunay na P500,00 at boodle money na may kabuuang P400,000.

Ayon kay Kraft, nakuha rin sa tatlo ang notebook na naglalaman ng ulat ng kanilang mga transaksiyon, anim na cellular phone, iba pang uri ng pinansiyal na dokumento at mga automated teller machine (ATM) cards.

“Patuloy ang aming suporta at pakikipagtulungan sa ibang ahensiya upang makamit ang iisang misyon na matuldukan ang problema ng bansa sa ilegal na droga,” pahayag naman ni P/MGen. Okubo.

AUTHOR PROFILE