Higit P1M halaga ng shabu, nakumpiska sa ‘pusher’ sa Caloocan

December 19, 2022 Edd Reyes 94 views

MAHIGIT sa P1 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng pulisya sa 32-anyos na lalaking kabilang sa listahan ng mga taong sangkot sa ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation Lunes ng umaga sa Caloocan City.

Sa kanyang isinumiteng ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Brigadier Gen. Jonnel Estomo, sinabi ni Caloocan Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta na dinakip ng kanyang mga tauhan ang suspek, residente ng Barangay 174 dakong alas-7:20 ng umaga (Disyembre 19) matapos niyang pagbentahan ang pulis na nagpanggap na buyer sa kanto ng Captain Rico at Tulip Streets, Bgy. 174, Camarin, sa naturang lungsod.

Isinagawa ng mga tauhan ng Office of the Chief of Police-Drug Enforcement Unit (OCOP-DEU) sa pangunguna ni P/Maj. Dennis Odtuhan ang buy-bust operation laban sa suspek matapos ang halos isang linggong pagmamanman sa kanyang ilegal na pagbebenta ng droga.

Sinabi ni Lacuesta na kabilang ang suspek sa mga indibidwal na nasa watchlist ng pulisya at barangay dahil sa kanyang pagkakasangkot sa bentahan ng ilegal na droga sa Camanava (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area.

Nakumpiska sa suspek ang tinatayang 150 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,020,000 at markadong salapi na kinabibilangan ng isang tunay na P500 at 37 piraso ng tig-P1,000 na boodle money.

Pinapurihan naman ni Estomo ang mga tauhan ng Caloocan Police sa halos sunod-sunod na matagumpay na operasyon laban sa mga sangkot sa ilegal na droga at pagkumpiska sa milyong halaga ng shabu na may kaugnayan pa rin sa kanyang programang S.A.F.E. NCRPO.

Patunay aniya ito na hindi tumitigil ang kapulisan sa pagdakip sa mga taong may kagagawan sa pagpapakalat ng ilegal na droga kasabay ng pagbabanta sa iba pang may ganitong kahalintulad na gawain na bilang na rin ang kanilang maliligayang araw.

AUTHOR PROFILE