Dizon1 Kinamayan ni MPD Chief Andre P. Dizon (kaliwa) si P/Lt. Col. Roberto Mupas, commander ng Barbosa PS 14 dahil sa matagumpay na operasyon kontra droga sa Quiapo, Lungsod ng Maynila. Kuha ni Jon-jon Reyes

Higit P.5M shabu nasabat sa Quiapo buy-bust

January 25, 2023 Jonjon Reyes 812 views

HALOS aabot sa 80 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P544,000 ang narekober ng awtoridad sa isang buy-bust operation na inilatag sa Arlegui Street, Barangay 383, Quiapo, Maynila.

Sa nasabing operasyon ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Manila Police District (MPD) Barbosa Police Station (PS) 14, na ikinasa ng madaling araw ng Martes (Enero 24).

Ayon sa tinaguriang “Game Changer General” na si MPD Director P/Brigadier Gen. Andre P. Dizon, ang suspek na may alyas na “Bati,” 20, binata, ng Vergara St., Bgy. 383 sa Quiapo.

Ayon kay P/Lt. Col. Roberto Mupas, station commander ng Barbosa PS 14, pasado 12:30 na ng madaling araw, nang ilunsad ng kanyang SDEU operatives ang buy-bust.

Sa pangunguna ni P/Maj. Gil John Lobaton, hepe ng SDEU, naaresto ang target sa operasyon matapos kumagat ito sa poseur buyer matapos iabot ang markadong P500.

Bago ang nasabing operasyon, minanmanan muna ang suspek at matapos magpositibo, saka ito dinakma sa lugar nina Lobaton at mga tauhan nito.

Apat na plastic sachet ng 80 gramo ng shabu ang narekober na nakasilid sa isang brown belt bag na pag-aari ng suspek.

Katulong ng mga Kapulisan ng Maynila ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos na makipagkoordina ang mga ito sa isinagawang operasyon sa lugar.

Matapos maproseso ang suspek ni P/Cpl. Lester Montero, may hawak ng kaso, ipinasuri sa MPD Forensic Unit ang mga nakumpiskang ilegal na droga.

Sa pamamagitan naman ni P/Maj. Philipp Ines, Public Information Office chief (PIO) ng MPD, ipinarating nito ang pasasalamat at pagbati ng MPD direktor sa mga kapulisan ng Barbosa PS 14 sa ilalim ni Mupas, at ang buong team ng SDEU dahil sa walang humpay na operasyon laban sa droga.

AUTHOR PROFILE