Kraft

Higit P.4M shabu nakumpiska sa mga ‘sugarol’

March 30, 2023 Edd Reyes 1803 views

BUKOD sa pagkahumaling sa iligal na sugal, bistado ring gumagamit ng shabu diumano ang limang sugarol, kabilang ang isang babae, matapos makuha sa kanila ang mahigit P.4 milyong halaga ng shabu sa isinagawang anti-criminality operation ng pulisya sa Makati City.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/Brigadier Gen. Kirby John Kraft ang mga nadakip ay pawang nakapiit ngayon sa custodial facility ng Makati City Police.

Lumabas sa imbestigasyon na nagsasagwa ng anti-criminality operation ang mga tauhan ng Makati police station dakong alas-4 ng madaling araw nang makatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa nagaganap na iligal na sugal sa Laperal Compound, Bernardino St. Bgy. Guadalupe Viejo.

Nang magtungo sa lugar ang mga pulis, nahulig ang sa akto ang paglalaro ng “cara y cruz” ng mga suspek na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.

Narekober ang P1,000 taya, tatlong barya para sa nasabing sugal, at ng kapkapan ang mga ito ay nakumpiska ang kabuuang 70.51 gramo ng shabu na may halagang P479,468.

Nahaharap ngayon sa mga kasong paglabag sa PD 1602 at RA (Republic Act) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek sa piskalya ng Lungsod ng Makati.

AUTHOR PROFILE