Bataan Masayang tinanggap nina Bataan Gov. Joet S. Garcia (kaliwa), at Mayor Jopet Inton ng Hermosa sa Fiesta Pavilion, The Manila Hotel, ika-15 ng Disyembre, ang kanilang SGLG award mula sa Department of the Interior and Local Government. Kuha ni Christian D. Supnad

Hermosa, tinuring ‘Hall of Famer’ sa panibagong SGLG award

December 16, 2022 Christian D. Supnad 112 views

HERMOSA, Bataan – Dahil sa sunod-sunod na pagkakapanalo ng bayang ito sa “Seal of Good Local Governance” (SGLG) sa pamumuno ni Mayor Jopet Inton, matatawag na isang “Hall of Famer” na ang naturang bayan.

“Ikinagagalak ko pong ibalita sa inyo na sa ikaapat na magkakasunod na taon, ang Bayan ng Hermosa ay isang consistent awardee ng Seal of Good Governance simula 2017 hanggang ngayong taong kasalukuyan 2022. Lubos na tinanggap ng inyong lingkod ang parangal para sa Bayan ng Hermosa ngayong araw ito na ginanap sa Fiesta Pavilion, The Manila Hotel, ika-15 ng Disyembre,” pahayag ni Mayor Inton.

Ang isang pamahalaang lokal na may “Seal of Good Local Governance” o SGLG ay pagpapatunay ng kahusayan at katapatan sa serbisyo at pamamahala ng lokal na pamahalaan, gaya ng Hermosa, sa probinsya ng Bataan.

Ginawaran ng DILG o Department of the Interior and Local Government ng SGLG award ang mga lungsod o munisipalidad na nakitaan ng kahusayan sa pamamahala sa Manila Hotel Miyerkules, Disyembre 14, 2022.

Napag-alaman na siyam mula sa lalawigan ng Bataan ang nakapasa sa assessment ng DILG ngayong taon para sa award na ito, kabilang ang lalawigan sa pamumuno ni Gov. Joet S. Garcia.

“Isa po ang Bayan ng Hermosa sa nagkamit ng award. Dinaluhan ito ng mga gobernador at alkalde ng iba’t-ibang lalawigan, siyudad at munisipalidad,” ani Mayor Inton.

“Maraming, maraming salamat po sa ating lahat na nagsikap at nagsakripisyo upang ating makamtan ang karangalan na ito! Sama-sama sa patuloy na paglipad ng Bayan ng Hermosa! Maraming Salamat po,” dagdag pa ng pilotong mayor.