Hipon

Herlene, na-trauma nang ma-scam sa Uganda

December 4, 2022 Vinia Vivar 319 views

Tila eksena sa pelikula ang naging karanasan ni Herlen Budol sa Uganda kamakailan.

Matatandaang pumunta sa Uganda ang beauty queen-comedienne nitong nakaraang Nobyembre upang maging representative ng Pilipinas sa Miss Planet Internaional.

Unfortunately ay hindi na natuloy ang naturang beauty pageant dahil nag-withdraw ang ilang candidates, kabilang na si Herlene, dulot ng mga aberyang nangyari sa kanila sa nasabing bansa’t hininala ngang scam ang pageant.

Sa kanyang panayam kay Nelson Canlas ay ibinahagi ni Herlene ang kanyang mga naging karanasan sa Uganda na aniya’y parang delubyo.

Sa umpisa pa lang daw ay isang maliit na apartment lang ang kinuha ng pageant organizer para sa more than 30 candidates.

Buti na lang at hindi siya pinabayaan ng manager na si Wilbert Tolentino at ikinuha siya ng sarili niyang apartment.

Sa rehearsals ay wala raw pagkain, walang tubig. Doon pa lang ay marami na ang gustong mag-back-out.

Bukod dito, nalaman nila na hindi bayad ang tinutuluyang hotel ng mga kandidata pati na rin ang mga van na kanilang ginamit.

Dahil dito ay nagkaroon ng imbestigasyon sa hotel at may mga pulis ding nagdatingan dahil nagkaroon na ng balitang scam ito.

Pero ang nakakaloka, pati si Herlene ay na-hold sa hotel kaya nakiusap siya na kung pwede siyang palabasin dahil may sarili siyang apartment.

Katakut-takot daw na pakiusap ang ginawa niya dahil ayaw siya talagang palabasin.

Takot na takot siya dahil nga marami nang pulis na nagdadatingan na armado pa ng baril.

Nang finally ay makalabas siya, hinabol daw siya ng dalawang pulis na may baril.

“Paglabas ko, siguro, ‘yung ibang pulis, hindi nasabihan, hinabol ho ako ng maraming may baril. Dalawa po ‘yung humabol sa akin na may hawak na mahabang baril. Sabi ko, ‘hold on, hold on!’

Sabi ko sa sarili ko, ‘eto na ‘ata katapusan ko,” kuwento ni Herlene.

Akala raw niya ay sa pelikula lang niya ito napapanood at hindi niya akalaing mararanasan niya ito sa totoong buhay mismo.

Hanggang ngayon, kapag naaalala raw niya ang nangyari ay nakararamdam pa rin siya ng takot at na-traumatize raw siya talaga sa kanyang naranasan.

AUTHOR PROFILE