Helper, kritikal sa pamamaril, kasamang driver, nakaligtas

November 24, 2022 Edd Reyes 85 views

SUGATAN ang isang helper habang nakaligtas naman ang kasama niyang driver nang pagbabarilin sila ng tatlong kalalakihang sumita sa kanila habang patungo sa isang tindahan Miyerkules ng gabi sa loob ng Navotas Fish Port Complex.

Kaagad na isinugod sa Tondo Medical Center ang mga biktima, kapwa residente ng Barangay San Rafael, Rodriguez, Rizal matapos magtamo ng tama ng bala sa bahagi ng kanang kilikili habang mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa hindi batid na lugar.

Sa imbestigasyon ni Navotas Police Homicide Investigator P/Cpl. Dandy Sargento, naglalakad ang dalawa patungo sa isang tindahan ng pagkain dakong alas-8:30 ng gabi nang harangin sila ng tatlong kalalakihan sa Pier 5 sa loob ng Navotas Fish Port Complex at sitahin at tanungin kung mga taga-saan sila.

Nang simulang kapkapan ng mga suspek ang dalawa, nagpasiya na silang tumakbo patakas subalit bumunot ng baril ang isa sa mga suspek at sunod-sunod na pinaputukan ang dalawa hanggang mahagip sa kanang bahagi ng kilikili ang biktima.

Nagsagawa naman kaagad ng pagtugis ang mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 3 laban sa mga suspek matapos makipag-ugnayan sa PNP (Philippine National Police) Maritime subalit bigo silang makilala at madakip ang mga ito.

Pinag-aaralan na ng pulisya ang kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa loob ng fish port upang makilala ang mga suspek habang inaalam pa ang motibo sa pamamaril.

AUTHOR PROFILE