
Helper isinugod sa ospital, patay
BINAWIAN ng buhay habang inoobserbahan sa Gat. Andres Bonifacio Medical Center ang isang helper, makaraang isugod ng isang striker sa Asuncion Police Community Precinct (PCP) sa Tondo, Maynila Sabado ng umaga.
Nakilala sa pangalang Ariel Socito ang helper na nasa hustong gulang at residente ng Asuncion Street sa Tondo.
Base sa ulat na nakarating kay Police Lieutenant Colonel Rosalino Ibay Jr., commander ng Manila Police District-Moriones Police Station 2, bandang 8:30 ng umaga nang madiskubre ni Allan Macawili ang biktima sa likod ng PCP na sisinghap-singhap at hinahabol nito ang kanyang hininga habang nakahawak sa dibidib.
Dali-dali nitong isinugod sa nasabing pagamutan ang helper subalit namatay din habang inoobserbahan.
Agad naman itong ipinagbigay-alam ni Jay Lord Dupale, sekyu ng pagamutan, sa tanggapan ni Police Lieutenant James Poso, hepe ng MPD-Homicide Section, at saka nagtungo sa ospital si Det. Dennis Suba, ang may hawak ng kaso.