Heartbreak

‘Heartbreak leave,’ inihain sa Kamara

February 16, 2024 People's Tonight 460 views

ISINUSULONG sa Kamara ang panukalang batas na nagkakaloob ng “unpaid heartbreak leave” para sa mga empleyado na mamimighati dala ng paghihiwalay pagkatapos ng relasyon.

Batay sa House Bill No. 9931 o “Heartbreak Recovery and Resilience Act” na inihain ni Cagayan de Oro City Rep. Lordan Suan, kinikilala nito ang epekto ng emotional stress dahil sa pagtatapos ng romantikong ugnayan hindi lamang sa personal na buhay kundi pati na rin sa propesyonal na trabaho ng isang tao.

Ayon kay Suan, maaaring makaapekto ang emotional stress sa produktibidad ng empleyado, morale sa trabaho at kalusugan sa opisina.

Sa pamamagitan ng pagkakaloob ng oras at mapagkukunan para maka-recover mula sa pighati, layunin ng panukala na mapalakas ang kalagayan ng mga indibidwal, mapabuti ang kanilang pagganap sa trabaho at bawasan ang paglipat ng mga empleyado.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga empleyado na edad 25-anyos pababa ang maaaring magkaroon ng “unpaid heartbreak leave” isang beses kada taon.

Para sa mga empleyado na nasa pagitan ng 25 hanggang 35-anyos, maaari silang magkaroon ng dalawang araw na “unpaid heartbreak leave” bawat taon, habang tatlong araw naman para sa mga empleyadong may edad 36 pataas.

Upang maging kwalipikado sa “heartbreak leave,” kinakailangan na magbigay ang mga empleyado ng isang nilagdaang pahayag na nagpapatunay ng pagtatapos ng kanilang romantikong ugnayan sa loob ng nakaraang 30 araw.

Kailangan din nilang magbigay ng abiso sa kanilang employer nang hindi bababa sa 48 oras bago gamitin ang nasabing leave, maliban na lamang kung may mga kagyat na pangangailangan na humadlang sa pagbibigay ng abiso.

AUTHOR PROFILE