Lacuna Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan

Health centers sa Maynila, may libreng lab test na

August 2, 2022 Edd Reyes 407 views

SA pagnanais na mapalakas ang pagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan, gumawa ng hakbang si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na mapalagyan ang lahat ng mga health centers sa lungsod ng laboratoryo na susuri sa dugo, ihi at tissue sa katawan ng isang pasyente.

Ayon sa alkalde, ang lahat ng 44 na health centers ngayon sa Maynila, mula sa Distrito 1 hanggang Distrito 6, ay mayroon ng laboratoryo para sumuri sa dugo at ihi ng pasyente ng libre sa oras na irekomenda ng doktor na sumuri sa kanila sa pinuntahang health center.

Ang pagsusuri sa dugo ng isang pasyente, ayon sa National Cancer Institute, ay isang paraan upang makuha ang impormasyon kung maayos o hindi pa ang bato, atay, at iba pang body organs ng pasyente.

“Ang ating mga health centers ay mayroon na ngayong laboratoryo kaya puwede na kayong magtungo sa ating health center para magpa-check up, imbes na pumunta kayo sa ospital, sa health centers muna kayo magtungo. Kung merong laboratory test na kailangan sa inyo, puwede na po kayo sa ating health centers,” pahayag ng alkalde.

Pinayuhan din ng alkalde ang mga nagnanais na magpa-laboratory test na komunsulta muna sa doktor na nakatalaga sa health center na malapit sa kanilang lugar dahil ang mga ito ang magpapasiya kung kinakailangan nila ang magpa-blood at urine test at ano ang mga dapat suriin sa dugo base na panganib na banta sa kanilang kalusugan.

“Ang kailangan lang pong gawin ng pasyente, magpasuri muna kayo sa mga doktor ng health centers na magsisimula ng alas-8 ng umaga at ang resulta ay doon na rin po ninyo makukuha sa health center,” dagdag pa ng alkalde.

Tiniyak din ni Mayor Honey na marami pang mga pagbabagong magaganap sa 44 na mga health centers sa lungsod na unti-unti ng nangyayari na layuning mapalawak ng husto ang serbisyong pangkalusugan ng pamahalaang lungsod.

“Ang vision po natin ay magkaroon ang Maynila ng Best Health Care Service by the year 2023. Lahat ng ating facilities ay ini-improve natin, pati na ang ating serbisyo, ang manpower, pati ang health providers ay bibigyan natin ng kaukulang mga trainings para masiguro natin na ating maibibigay ang best health services sa ating mga kababayan dito sa Lungsod ng Maynila,” pahayag ni Mayor Honey.

AUTHOR PROFILE