Hapones na wanted sa nakaw nagpa-extend ng visa, timbog
KINUMPIRMA ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-aresto sa isang Hapones na wanted sa pagnanakaw at panloloko sa Tokyo.
Kinilala ang naaresto na si Kudo Tomoya, 31. Naaresto siya noong Nobyembre 15 sa opisina ng BI sa SM Aura mall sa Taguig matapos mag-apply para sa extension ng kanyang tourist visa.
Sinabi ni BI SM Aura head Evita Mercader na nag-file si Kudo para sa extension bandang alas-5:00 ng hapon at ipinakita ang kanyang pasaporte.
Pero sa beripikasyon, natuklasan kabilang si Kudo sa watchlist ng BI dahil sa pagiging ‘undesirable alien.’
Nakatanggap din ang BI ng ulat mula sa Japan kaugnay sa standing warrant of arrest ni Kudo galing sa Tokyo Summary Court noong Agosto dahil sa paglabag sa Japanese Penal Code.
Noong 2022, sinasabing pumasok si Kudo sa dati niyang opisina at nagnakaw ng isang bankbook at isa pang gamit sa opisina na nagkakahalaga ng JPY2,000.
Kalaunan sa araw na iyon, nagkunwari umano siyang empleyado ng dati niyang opisina at niloko ang isang empleyado ng bangko ng JPY7,876,000 gamit ang nasabing bankbook.
Nakadetine ang dayuhan sa Camp Bagong Diwa habang hinihintay ang kanyang deportation order.