Halalan

‘Halalan 2022: The ABS-CBN News Special Coverage’

May 7, 2022 Ian F. Fariñas 439 views

Totodo ang buong pwersa ng ABS-CBN News sa Halalan 2022: The ABS-CBN News Special Coverage na mapapanood sa ABS-CBN News YouTube Channel at news.abs-cbn.com simula 5 a.m. sa Mayo 9 (Lunes) hanggang 12 noon sa Mayo 10 (Martes).

Tiyak na magiging bahagi ang mga Pilipino saan man sa mundo ng isa na namang makasaysayang eleksyon dahil maghahatid ang ABS-CBN News ng real-time updates, breaking news at election analysis sa nangungunang Filipino news channel sa YouTube na mayroon nang 13.6 milyon subscribers at higit siyam na bilyong views. Ika-sampu naman sa mundo ang news.abs-cbn.com sa mga publisher sa Facebook noong Marso 2022 ayon sa NewsWhip.

Mangunguna sa pagsulong ng katotohanan sa mahalagang araw na ito ang media icons na sina Noli “Kabayan” de Castro, Henry Omaga-Diaz at Karen Davila na unang sasalang ng 5 a.m. Susunod naman sa kanila sina Alvin Elchico at Bernadette Sembrano mula 9 a.m. hanggang 12 noon.

Nariyan din ang ABS-CBN News reporters, regional stringers at partners na sina Tony Velasquez, Johnson Manabat, Peter Musngi, Danny Buenafe, Doris Bigornia, ABS-CBN North America news bureau head TJ Manotoc, Lexi Schulze at Raine Musngi upang mag-ulat mula sa mga lugar ng pagboto, magbigay ng updates sa mga tumatakbong kandidato, at ihayag ang resulta ng eleksyon.

Mula 6:30 hanggang 8:30 p.m. naman, matutunghayan din ang mga nagbabagang balita sa araw ng halalan sa TV Patrol at muling magpapatuloy ang special coverage pagkatapos nito hanggang Mayo 10 (Martes).

Nariyan din upang magbigay ng kanilang analysis ukol sa halalan ang iba-ibang subject matter experts tulad ni ABS-CBN Data Analytics Team head Edson Guido, kasama rin ang news anchors na sina Rica Lazo, Tina Marasigan at Denice Dinsay at ang Bayan Patrollers ng Bayan Mo, iPatrol Mo.

Ang non-stop coverage ng ABS-CBN News ay ipapalabas din sa iba pang digital platforms kabilang na ang ABS-CBN News Facebook page at TikTok account (@abscbnnews).

Available rin ito sa A2Z, Kapamilya Channel at Kapamilya Online Live sa Facebook at YouTube, maliban sa timeslot ng It’s Showtime.

AUTHOR PROFILE