Hajji, ayaw maging ‘TH’ sa pagkanta ng SB19 song
HINDI bet ng OPM icon at hitmaker na si Hajji Alejandro na magmukhang trying hard (TH) nang tanungin kung willing ba silang kumanta ng mas bagong mga kanta ng younger generation of Pinoy singers tulad ng P-pop group na SB19.
Ipinaliwanag ni Hajji at ng fellow hitmakers na sina Rey Valera, Nonoy Zuñiga at Marco Sison sa presscon ng kanilang upcoming 20th anniversary concert na Hitmakers XXceptional na hit at signature songs nila ang dinadayong panoorin ng fans nila.
Ani Hajji, “Since we are entertainers, we are there to entertain them. So ‘yun ang two cents worth ko.”
Paliwanag naman ni Rey, “Sa experience ko, masuwerte naman ako at ‘yung mga kanta ko, eh, nagamit sa mga telenovela. Naku-cover ng mga bata o millennial na generation, kaya masasabi ko na meron ding mga nakakakilala sa aking medyo bata-bata.”
Pero totoo umano ang sinabi ni Hajji na ang mas nakaka-appreciate sa grupo nila ay ‘yung mga magpahanggang ngayon ay sinusundan sila dahil magkakasabay silang nagkaedad.
“Alam nila kung saan kami nanggaling, alam nila kung ano ‘yung paghihirap na inabot namin o kung papa’no kami nagsimula pare-pareho. At na-realize ko rin na parang kaya sila nandiyan pa rin ay parang nakadugtong ang kanilang memories of the past with our songs. Through our songs, naaalala nila ang dati nilang boyfriend o ‘yung panahon na nag-uumpisa pa sila. Ganu’n din ang nararamdaman ko kapag nakakarinig ako ng mga lumang kanta na kasabayan ko noon. Ang feeling, iba, eh. May nostalgic, merong parang nakakabata in a way. Palagay ko, ‘yun ang gustong maramdaman ng mga nanonood sa amin na maalala nila ‘yung nakaraan. Eh, ‘yun naman ang pinipilit talaga naming ibigay dahil nga ‘yun lang naman ang papel namin sa mundong ito, eh. Ibigay ‘yung feelings na nami-miss nila somehow.
“Sa gan’tong edad namin, although nagkaroon ako ng mga show na ini-insist ng producer na kumanta ako ng mga Ed Sheeran o kung anu-anong mga bagong kanta, well, siyempre, gagampanan ko naman. Although with some, nanghihingi ng konting pasensya na sinasabi ko kaya ko lang naman ginagawa ito, napipilitan lang. Pero hindi ‘yon talaga ang habol ko na magpa-request pa sa mga bata. ‘Yun ang ibig kong sabihin. Tama si Hajji,” pag-ayon ni Rey sa kasamahan.
Ang Hitmakers XXceptional The 20th Anniversary concert ay gaganapin sa The Theatre at Solaire sa Dec. 1. Produced ito nina Pops Fernandez (special guest din) at Flor Santos ng Dream Wings Productions, Inc.