Posas1

Hairstylist huli sa CCTV na nagnenenok sa salon, kulong

December 15, 2023 Edd Reyes 223 views

KINASUHAN ng mga pulis ang hairstylist na nahuli sa closed circuit television (CCTV) habang nililimas ang P20,000 na kita ng dati niyang pinagtatrabahuhang salon sa Las Pinas City noong Miyerkules.

Pagnanakaw ang kasong isinampa ng Las Pinas Police kay alyas Ferdie, 43, ng Brgy. Victoria, Dasmarinas, Cavite matapos siyang kilalanin ng may-ari ng salon na ninakawan niya noong Miyerkules ng gabi sa Talon Uno sa naturang lungsod.

Sa ulat na nakarating kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Mark Pespes, dakong alas-7:10 ng gabi nang pasukin ng suspek ang salon at agad na hinanap ang susi ng drawer na pinaglalagyan ng salapi.

Ang hindi alam ni Ferdie, bukas ang CCTV sa salon at huling-huli ang ginawa niyang pagkuha sa P20,000 cash sa drawer matapos makuha ang susi sa lalagyan nito.

Ayon sa biktima, dati nilang beautician ang suspek subalit nag-resign at lumipat ng ibang salon na malapit lang sa naturang lugar.

Dala ang susi ng pintuan nang mag-resign ang suspek, ayon sa may-ari.

Nabawi sa suspek ang P8,600 na bahagi ng P20,000 na kanyang tinangay at inihayag sa pulisya na nagastos umano niya sa pagpapagamot sa may-sakit na ina ang malaking bahagi ng ninenok na pera.

AUTHOR PROFILE