Default Thumbnail

Habang pinipigil, lalong nanggigigil?

February 14, 2022 Joey C. Papa 442 views

JoeyMayron pa namang covid 19 sa buong mundo at sa Pilipinas hindi ba?. Mayron pa nga ba ?

Pero kung titingnan ang mga political rally nitong mga nakaraang linggo ay parang wala na. Libong mga tao ang lumalahok sa mga pagtitipong ito.

Naka-face mask pero nalalaglag na ang mga ito. Nasa baba na nila o kaya’y nakalabas ang ilong. Langhap na langhap ang virus na nasa hangin.

Tila lumakas ang loob ng mga tao nang sumapit ang opisyal na kampanya noong Pebero 8. Talagang buhos ang mga tao sa sinumang kandidato na may pakulo sa kanilang mga lugar.

Wala pa ngang Pebrero 8 ay buhos na ang mga tao sa kalye at mga pulong pampulitika. Tila hindi takot sa covid 19.

Nitong nakaraang mga araw ay panay ang paalala ng mga lokal na pamahalaan tungkol sa pagsasagawa ng mga safety health protocol. Pero ito ay ginagawa lamang pagkaraang bumuhos na ang mga tao sa mga caravan at malakihang pagtitipon.

Anong paalala ba yon? Nauna ang aksidente kaysa pag-iingat?

Covid 19 surge ba ulit ang hinihintay ng mga tao? Ipagagamot ba sila ng mga kandidato kung sila’y magka-covid 19?

Ang nagtutulak sa mga tao na pumunta sa malalaking pagtitipon na ito ay pagsuporta daw sa kanilang mga kandidato, pagmamasid sa mga kandidatong pinipili pa lang nila at mga katunayan kung mabuti o masama nga ang mga kandidatong pumunta sa lugar nila ayon sa kanilang naririnig, at ang isa ko pang narinig ay ang paghanga dahil maganda o guwapo ang mga kandidato.

May tatlong buwan pang magkakamayan, magyayakapan, mag-aakbayan ang mga kandidato at masang Pilipino. Tuwang-tuwa ba ang virus?

Ngunit mapipigilan ba ng mga kinauukulan ang mga ganitong aktibidad? Nataong may covid 19 ang eleksyon ngayon na hindi naman mapipigilan ninuman dahil ito ay nasa Konstitusyon.

Malaking problema ito ng pamahalaan sa oras na tumaas muli ang kaso ng covid 19 sa Pilipinas. Harinawang hindi naman.

`Noong nakaraang taon ng Disyembre 2021 ay bumaba ang kaso ng covid19. Sabi nga ng isang dentista, parang normal na. Parang nakawala na sa kulungan ang mga tao. Puno ang mga mall at iba pang pasyalan.

Makikita nga sa social media ang mga litrato ng mga Pilipinong kung saan-saang lugar na nagpupunta. Tila hindi sila naapektuhan ng pagpilipit ng ekonomya. Sila ang mga middle-class daw na marami pang naitatabing pera kaya ginasta na nang magluwag ng restriction sa National Capital Region at mga katabing lunsod. O kaya’y kahit may kaunting pera lamang ay gustong maglibang at mawala sa isip ang dinadaanang pandemya.Yung bang makakita man lang ng ibang lugar.

Noong ngang sumapit ang unang linggo ng Enero 2022, tumaas muli ang covid 19 cases at ibinintang ito sa Omicron variant. Karamihan sa mga pami-pamilyang tinamaan ng mala trangkasong sakit ay inaming nagkaroon sila ng pagkikita ng kanilang extended family. Magkakapatid at mga anak nito ngunit pasumandali lamang daw at pagkaraan ay umuwi na rin daw sila agad. Ngunit nagkaroon pa rin daw sila ng mga sintomas.

Kaya tunay na kailangan pa ring huwag magmadali sa mga sobrang pagluluwag dahil ang mga Pinoy magigil. Habang pinipigil lalong nanggigigil. ([email protected])

AUTHOR PROFILE