Habal-habal driver nakorner sa shabu
BARIL at shabu ang nakumpiska ng pulisya sa isang habal-habal driver na suma-sideline sa pagbebenta ng shabu Martes ng gabi sa Taguig City.
Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang, mahigit isang linggong minonitor ng mga tauhan ni Taguig police chief P/Col. Joey Goforth ang galaw ng 48-anyos na si alyas “Mike” na kabilang sa mga High Value Individual (HVI) na ginagamit ang ipinapasadang habal-habal sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Dakong alas-11:00 ng gabi nang makipag-transaksiyon ang suspek sa pulis na nagpanggap na buyer na bibili ng halagang P5,500.00 na shabu sa terminal ng mga habal-habal sa Brgy. Central Bicutan na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.
Nakumpiska ng mga tauhan ng Taguig Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kay alyas Mike ang kabuuang 50.20 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P341,360.00 at isang Black Widow na .9mm kalibre ng pistola na may limang bala sa magazine, pati na ang markadong salapi na kinabibilangan ng isang tunay na P500 bill at limang piraso ng P1,000 boodle money.
Inihahanda na ng pulisya ang mga kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 at R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Act) laban sa suspek na ihahain sa Taguig City Prosecutor’s Office habang dinala na sa SPD Forensic Unit ang nakumpiskang droga at baril upang isailalim sa chemical analysis at ballistic examination.