
Gyms, indoor sports centers humihingi ng konsiderasyon
ISASAILALIM na naman ang Metro Manila at ilang probinsiya sa “General Community Quarantine (GCQ) with heightened restrictions ngayong darating na Agosto 1-15 kaya’t dismayado na naman ang mga gym at sports center employees at operators sa muli nilang pagsasara, ilang linggo matapos silang payagang magbukas nito lamang Hulyo 2.
Dahil dito, humingi ng tulong ang Philippine Fitness Alliance na binubuo ng pinakamalalaking fitness brands sa bansa gaya ng Surge Fitness Lifestyle, Gold’s Gym, Fitness First, Anytime Fitness, Evolution Wellness Philippines, Celebrity Fitness, UFC Gym and Slimmers World kay Ang Probinsyano Party List (APPL) Rep. Alfred Delos Santos,kung saan napansin ng kongresista na hindi tama ang classification ng fitness centers.
Sa programang “Basta Promdi, Lodi” sa radyo nina Rep. Delos Santos at Ces Orena- Drilon kahapon,naitanong kay Dr. Teodoro Herbosa, Special Adviser for National Task Force on COVID-19 na kung lahat ng gym employees ay fully vaccinated, hindi ba dapat na payagan silang mag-operate?
Ani Herbosa, ang fully vaccinated, hindi ibig sabihin, ligtas sa transmission. Sa katunayan, nagiging problema pa nga ito dahil nasosobrahan sa kampante ang mga vaccinated. Maaaring maging pabaya at makahawa sa mga non-vaccinated, kahit na mababa ang tsansa na mangyari ito.
Kaya’t mungkahi nito sa Philippine Fitness Alliance na umapela sa DTI upang matignan ang safety measures na kailangang isagawa para payagan magbukas ng kanilang gym.
Naniniwala si Rep. Delos Santos na wala itong nakikitang dahilan para isara ang gyms at indoor sports centers sa ilalim ng GCQ with heightened restrictions at hindi rin tama na ang mga ito ay i-classify bilang recreational establishment.
Aniya, payagan ang fitness industry na mag-operate basta sumusunod sa mga safety guidelines at i-reclassify sa ilalim ng personal care services.
“Itong mga gyms at sports centers, gumastos nang malalaking halaga, para siguruhing covid-free ang kanilang mga lugar, kahit negatibo ang kanilang income. Pinaglalaban nila ang survival ng kanilang industriya para ang kanilang mga natitirang empleyado na hindi mapasama sa milyun-milyong Pilipinong walang trabaho. Hindi naman siguro labis kung hihingi tayo ng konsiderasyon sa mga ahensiya ng gobyerno na gumagawa ng quarantine rules na i-reclassify ang mga gyms at sports center sa ilalim ng “Personal Care Services” imbes na sa “Recreational Establishments”.Kung kahilera sila ng mga barbershops, beauty salons, aesthetic centers, massage & wellness centers, makakapag-operate sila sa 30% capacity sa kasalukuyang quarantine rules. Kung tutuusin, ang mga nabanggit na establishments ay pinapayagang magbukas, kahit na mas may direct physical contact ang mga ito sa mga clients kumpara sa gyms at sports centers,”giit ni Rep. Delos Santos.
“Libu-libo na sa aming mga empleyado ang nawalan ng trabaho o nakaranas ng pagliit ng kinikita dahil sa pagbawas ng oras sa trabaho. Daang libo sa aming mga gym members ang pansamantalang itinigil ang kanilang pagpunta sa gym. Bagama’t naiintindihan namin ang takot ng publiko sa pandemya, pero sana, pakinggan din ng gobyerno ang paghingi namin ng konsiderasyon at suporta,”anang grupo.
Ayon naman kay Tina Realiza, General Manager ng Surge Fitness Lifestyle, na kahit napakalaking halaga, nag-invest sila ng tents na may anti-virus mist machines sa kanilang gyms para lahat ng papasok ay na-disinfected at bawat equipment station,may alcohol dispensers na gagamitin ng mga member.
Apela naman Mylene Mendoza-Dayrit, CEO ng Gold’s Gym na ang mga gyms na kanilang nire-represent ay mayroong 600,000 members check-ins sa mga panahong pinayagang mag-operate na wala naitatalang transmission ng virus na patunay na safe ang gym facilities kahit may pandemya.
Nakapaloob sa DTI Memorandum 21-19, Section 1 nitong Mayo 14, 2021: ang mga negosyo, tao at gawaing hindi pinapayagan kapag GCQ with heightened restrictions ay ang,“Venues for meetings, incentives, conferences and exhibitions (MICE), indoor sports venues at indoor tourist attractions.”