Gutom is real sa Cuba, Haiti, Zimbabwe, Ethiopia, Africa
DUMARANAS ng matinding kahirapan at kagutuman ang mga mamamayan ng Cuba. Suportado ng kanilang pamahalaan ang karamihan sa kanilang mga mamayan subalit limitado ito sa tinapay. Sa pinakahuling balita, niliitan pa ng pamahalaan ang sustentong tinapay dahil kailangan pagkasyahin sa marami.
Ang Haiti, patuloy na naghihikahos ang mga mamamayan nila dulot din ng kakapusan ng pagkain.
Sa Zimbabwe, kinakatay na ang overpopulated nilang Elepante para maging pagkain sa maraming lugar na wala nang makain.
Sa Ethiopia, marami nang namamatay sa gutom dahil sa kawalan ng pagkain. Sa ulat ng United Nations, nasa 900,000 katao ang nasa kondisyon ng kagutuman dito.
Maraming lugar sa buong mundo ang dumaranas ng kakapusan sa supply ng pagkain dahil sa kawalan ng kahandaan ng kanilang mga lider. Matinding tagtuyot ang pumapatay sa kanilang mga supply dahil sa napabayaang food security.
Karamihan sa mga bansa sa Africa ay tagtuyot ang nagiging problema. Pero ang Middle East na isang disyerto ay hindi naman nababalitang kinakapos sa pagkain kahit hindi sila agricultural country.
Iyon ang sinasabi natin, malaking bagay kung visionary ang mga nagiging lider. Kung maraming langis sa Middle East, marami rin namang minerals at iba pang mina sa Africa pero hindi namama-maximize ang gamit. Sa isang banda, ang palagiang civil war sa kanilang mga lugar ang gumagambala sa takbo ng kanilang ekonomiya.
Dito sa atin, kaya namang ibagsak ang inflation rate sa pinakamababa kung talagang matutukan nang husto ang agrikultura. Palagi kong sinasabi na mabiyaya ang ating lupa, kahit saan ka magtulos ng halaman or puno dito sa atin, tumutubo talaga. Talbos ng kamote lang, kahit saan makakatabas ka kung gusto mo ng pangsahog sa ginisang sardinas!
Halimbawa ay ang presyo ng bigas. Marami tayong masisipag at magagaling na magsasaka pero nawawalan ng ganang magtanim dahil bagsak-presyo ang pagbili sa kanilang mga harvested products. Ang mga anak nila, ayaw nang sumunod sa yapak ng pagsasaka dahil nakita ang hirap na sitwasyon ng kanilang mga magulang. Mas gusto pa nilang maging construction workers sa Manila kaysa magsaka.
Paano nga namang uunlad ang mga magulang nilang magsasasaka, may harvest nga, madalas nasasagasaan pa sila ng mga imported na produkto. Minsan, umabot pa sa P1,000 ang kada kilo ng sili, mahigit isang libong piso ang sibuyas at bawang kada kilo. Isang tali ng kangkong, P20 na dating limang piso lang.
Ang kamatis, apat hanggang anim na piraso ay nasa P95.00 ngayon. Pero ang masakit, may mga pagkakataong tinatapon na lang ang kanilang harvest dahil sa sobra-sobra ang produce pero walang pagbabagsakan. Maging ang sayote at repolyo umaabot sa puntong tinatapon na lang sa Benguet.
Dapat lahat ng produce/harvest ng mga magsasaka natin ay naka-tie up na sa mga institutional buyers gaya ng mga hotels, restaurant chains at mga pabrikang producer ng mga pickled vegetables.
Ito ang dapat inaasikaso ni Agriculture Secretary Kiko Laurel para mas makatulong siya sa problema ng bansa na nakadagan kay Pangulong Marcos sa aspeto mahal na pagkain.
Huwag na nating hintaying umabot tayo sa estado ng gutom na katulad ng ibang bansa bago tayo maging agresibo sa pagtulong sa ating mga magsasaka. Gutom is real, hindi ito isang kathang isip.