Guro winakwak sa saksak sa QC

August 13, 2021 Melnie Ragasa-limena 269 views

NATAGPUANG wala ng buhay at tadtad ng saksak ang isang guro at sinasabing miyembro ng lesbian, gay, bisexual, and transgender (LGBT) community sa loob ng condo unit nito sa Victory Avenue, Barangay Tatalon, Quezon City, nitong Huwebes ng hapon.

Ang 30-anyos na biktima, ay walang asawa at isang public school teacher, at naninirahan sa Barangay Tatalon, Quezon City.

Ang biktima na sinasabing miyembro ng LGBT community at halos apat na taon nang nagtuturo sa isang public school sa lungsod Quezon ay nagtamo ng maraming saksak ng kutsilyo sa katawan.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-12: 30 ng hapon (August 12) nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng kaniyang unit sa nasabing gusali.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg. Julius P Raz, binisita umano ang biktima ng kaniyang co-teacher matapos na malamang may sakit ito.

Nagtungo ang nasabing guro kasama ang dalawang iba pa sa bahay ng biktima pero halos ilang minuto na silang kumakatok sa pinto ay walang nagbubukas.

Dahil dito ay minabuti nila na sumilip sa bintana ng unit pero laking gulat niya nang makitang duguang nakahandusay ang biktima sa kaniyang kama.

Humingi ng saklolo ang mga nakasaksi sa mga opisyal ng Barangay Tatalon na agad namang nagreport sa mga awtoridad.

Nasamsam sa crime scene ng SOCO team sa pamumuno ni PLt. Michael Jabel ang anim na piraso ng cotton swab na may bahid ng dugo, mga punit na damit na may bahid din ng dugo at kitchen knife na may habang 12”.

Masusing nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad matapos matagpuang magulo ang bahay ng guro at ang mga kagamitan nito ay hindi ‘intact’ kaya hinala nila na posibleng kilala ng biktima ang salarin.