Guo papanagutin sa pekeng lagda
IPINAHAYAG ng mga senador ang kanilang galit matapos matuklasan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pekeng lagda sa counter-affidavit na isinumite ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo Hua Ping.
Kinumpirma ng Questioned Documents Division ng NBI na ang lagda sa counter-affidavit ni Guo, na may kaugnayan sa kasong human trafficking, na hindi tugma sa kanyang napatunayang totoonglagda.
Agad na kinondena ni Senadora Risa Hontiveros, chair ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, ang natuklasan, kung saan ay tinawag niya SI Guo na isang “professional scam artist” na patuloy na nililinlang ang mga awtoridad.
“Sabi niya at abugado niya, pumirma siya ng counter-affidavit bago tumakas. Pero ayon sa NBI, ibang tao ang pumirma. Isa na namang kasinungalingan na dagdag sa patong-patong na kasinungalingan,”pahayag ni Hontiveros.
Binigyang-diin ng senadora na ang legal na aksyon ay hindi lamang dapat nakatuon kay Guo lamang kundi pati na rin sa kanyang abugado, si Elmer Galicia, na siyang nag-notaryo ng dokumento.
Nanawagan siya sa Department of Justice (DOJ) at Integrated Bar of the Philippines na lubusang imbestigahan ang insidente.
Tinukoy rin ni Hontiveros ang mas malawak na isyu: ang posibilidad na may iba pang tumulong kay Guo upang makatakas.
*Mananagot dapat hindi lang ang kliyente pero ang kanyang abogado. Sana imbestigahan ito hindi lang ng DOJ pero ng Integrated Bar of the Philippines. But again, the bigger question is: who helped facilitate this? Who aided her escape?* tanong ni Hontiveros.
Sumang-ayon naman si Senador Joel Villanueva sa galit ni Hontiveros, sinasabing ang natuklasan ng NBI ay naaayon sa kasaysayan ng panlilinlang ni Guo.
Ipinahayag ni Villanueva ang kanyang pagkadismaya ngunit hindi na rin siya nagulat, sinasabing sangkot si Guo sa iba pang mga ilegal na gawain. Inulit niya ang panawagan para papanagutin si Guo at ang lahat ng may kaugnayan sa kanyang mga ilegal na aktibidad.
Ang isyu ng pekeng lagda ay lumitaw habang tinatapos ng Senado ang imbestigasyon nito sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), kung saan sangkot din si Guo.
Inaasahan ng Senate Committee na tatapusin ang kanilang pagdinig sa isyu sa huling hearing nito nà nakatakda sa Setyembre 24.