Guo Ang mga operatiba ng Philippine Bureau of Immigration (BI) operatives kasama si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo. Hawak na ng BI ang Philippine passport ni Guo. Source: BI Facebook page

Guo, iba pa, kulong ng 560 taon kung guilty sa money laundering

September 5, 2024 PS Jun M. Sarmiento 167 views

NAI-TURN OVER na sa mga awtoridad ng Pilipinas hapon ng Huwebes, September 5, si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping matapos itong madakip ng Indonesian authorities noong Sept. 3, 1 a.m. Philippine time.

As of press time,nasa kustodiya na ng Philippine immigration si Guo at nakatakda siyang dalhin sa immigration ng Indonesia upang iproseso ang kanyang deportation. Sinisikap ng mga awtoridad na mailipad pabalik ng bansa si Guo Huwebes ng gabi.

Samantala, sinabi ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) nitong Huwebes na si Guo at ang mga kasamahan niya ay maaaring makulong ng hanggang 560 taon kung mapatunayang guilty sa kasong money laundering.

“Under the Anti-Money Laundering Act, the commission of money laundering carries with it the penalty of imprisonment. For Sections A, B, and C, from 7 years to 14 years per count,” ayon kay Atty. Adrian Arpon ng AMLC sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights.

Ang AMLC, kasama ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), ay naghain ng 87 counts ng money laundering laban kay Alice, ang kapatid niyang si Shiela Guo, Cassandra Li Ong, at 28 iba pa dahil sa umano’y pagkakasangkot sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Matapos makumpirma ni Arpon, sinabi ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na ang mga akusado ay nanganganib na makulong ng higit pa sa isang buong buhay.

“So, kahit kunin natin yung 7 years minimum times 87, eh medyo matagal-tagal po yun. Ano po ba yun? 560 years more or less? Thereabout. So, medyo lampas na po sa isang lifetime kahit dun sa minimum 7 years, kahit sa isang count lamang,” sabi ni Hontiveros.

“Pag-isipan niyo po sana nang mabuti, Ms. Shiela, yung narinig niyong sagot ng AMLC sa atin,” dagdag pa niya.

Inaasahan ni Hontiveros na sa susunod na mga pagdinig ay matutuklasan kung sino ang mga tumulong sa magkapatid na Guo at kay Ong sa pagpapatayo at pagkonekta sa POGOs.

“Slowly we are seeing the full extent of the criminal activities of this sham and dismissed mayor. At malapit na rin nating maungkat kung sino ang mga tumulong, nagpayaman, nag-enable, at sa mga nakalipas na buwan at linggo, kumupkop sa kanya,” ani Hontiveros.

Samantala, hindi nakadalo si Ong sa ikalawang pagdinig matapos bumaba ang kaniyang blood pressure sa isa sa mga Quadcomm hearings sa House of Representatives.

Ayon sa liham ng House Committee on Dangerous Drugs Secretary Arturo Felix Catarata, hindi nakadalo si Ong dahil sa payo ng mga doktor matapos bumaba ang kaniyang blood pressure at blood sugar.

Samantala, lumipad patungong Indonesia sina Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin C. Abalos Jr. at Philippine National Police (PNP) Chief General Rommel Francisco D. Marbil nitong Huwebes ng umaga upang sunduin ang sinibak na Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ayon kay Gen. Marbil, ang pagkakaaresto kay Guo ay isang mahalagang milestone sa pakikipagtulungan ng PNP at ng Indonesian National Police. Nahuli si Guo bandang alas-11:58 ng gabi sa Cendana Park Residences sa Kadu Curu G. Tangerang, Banten Province.

Ipinaliwanag ni Gen. Marbil na ang pakikipagtulungan ng PNP sa mga awtoridad ng Indonesia ay sa ilalim ng isang Memorandum of Understanding noong 2017, na may layuning labanan ang transnational crimes.

Nagpasalamat ang PNP sa Indonesian National Police sa pagtulong sa pagkakaaresto kay Guo. “We extend our heartfelt thanks to the Indonesian National Police for their cooperation in apprehending Alice Guo,” ani Marbil.

Ang pagkakaaresto kay Guo ay resulta ng patuloy na koordinasyon ng PNP Intelligence Group at ng kanilang Indonesian counterparts.

Samantala, naglabas ang Capas, Tarlac Regional Trial Branch 109 ng warrant of arrest Huwebes laban kay Guo dahil sa paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson, Colonel Jean S. Fajardo.

Inirekomenda ng korte ang P180,000 na piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng akusado. Nina PS JUN M. SARMIENTO, CAMILLE P. BALAGTAS & ALFRED DALIZON