Gunman sa pamamaril ng mga ‘watchers’ sa QC timbog

March 21, 2022 Melnie Ragasa-limena 174 views

INANUNSIYO ni Quezon City Police District (QCPD) Director Police Brigadier General Remus B. Medina ang pagkakaaresto ng suspek sa pamamaril na nagresulta sa pagkamatay ng babaeng volunteer “watcher” at pagkasugat ng dalawang iba pa, noong ika-17 ng Marso taong kasalukuyan sa Quezon City.

Ayon sa pahayag ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa pamumuno ni PLt. Col. Mark Julio Abong, kinilala ang suspek na si Jono Villarin, 28, at nakatira sa Bgy. Bagong Silangan, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon, nagsagawa ng follow-up operation ang tauhan ng CIDU upang matunton ang kinaroroonan at mahuli ang suspek na sangkot sa nasabing pamamaril na naganap noong ika-17 ng Marso 2022 sa ganap na ika-9:45 ng gabi sa gate ng Low Rise Building (LRB) Compound, St. Joseph Street, Bgy. Holy Spirit, Quezon City.

Habang nagsasagawa ng imbetigasyon ang CIDU sa pinangyarihan ng insidente, isang testigo ang lumapit sa kanila at nagbigay ng impormasyon.

Ayon sa testigo, nakita niya mismo ang naganap na insidente at personal niyang kakilala ang suspek na bumaril sa mga biktima.

Dahil sa impormasyong ito, dakong ika-10:30 ng umaga noong Marso 18, 2022 ay kaagad ikinasa ang hot pursuit operation kasama ang testigo na nagresulta sa pagkaaresto sa suspek na kinilalang si Jono Villarin. Nagtangka pa itong tumakas ngunit siya ay nahuli rin sa tulong ng taumbayan.

Positibong kinilala ng saksi at mga sugatang biktima ang suspek na siyang bumaril sa kanila.

Sinampahan na ang suspek ng kasong murder at two counts ng frustrated murder sa pamamagitan ng E-Inquest sa opisina ni Assistant City Prosecutor Raymond Oliver.

“Ikinalulungkot ko na umabot pa sa pagkamatay ng isang biktima ang insidenteng ito, ngunit mariin pa rin ang ating banta sa mga kriminal na walang habas sa paggawa ng mga krimen. Hindi mapapagod ang inyong kapulisan sa QCPD sa pagsasagawa ng mga ganitong uri ng operasyon upang maaresto at mapanagot ang mga nagkasala at lalabag sa ating mga batas,” ang pahayag ni PBGen. Medina.

“Ang Team NCRPO (National Capital Region Police Office) ay buong katapangang susuungin ang anumang panganib na maaaring idulot ng aming kampanya laban sa kriminalidad. Kung kaya naman hinihingi namin ang kooperasyon ng publiko para sa ikatatahimik at ikaaayos ng ating komunidad,” tugon ni PMaj. Gen. Felipe R. Natividad, ang Regional Director ng NCRPO.