GUN BAN!
NAGLABAS ng Gun Ban Basic Information ang Commission on Elections (COMELEC) at Philippine National Police (PNP).
Ito’y hinggil sa nalalapit na May 2025 mid-term elections.
Mag-uumpisa ang gun ban sa January 12, 2025 hanggang sa June 11, 2025.
Anim na buwan ang itatagal nito.
Sa February 1, next year, pa ang start ng campaign para sa senatorial and partylist group aspirants.
Kaya ibig sabihin, isang buwan bago nito ay nakataas na gun ban habang ang umpisa naman ng kampanya para sa halalang lokal ay sa March 28, 2025.
Ang inaabangang election day ay sa May 12, 2021o ikalawang Lunes ng buwan ng Mayo.
Bago magtapos ang gun ban sa June 11, siguro nama’y may mga naiproklama nang nanalong kandidato.
Bawal na bawal sa gun ban ang pagdadala ng mga baril, mga bala nito at iba pang nakamamatay na armas sa labas ng ating tahanan.
Gayundin ay hindi ito puwedeng dalhin sa mga commercial establishments at mga pampublikong lugar.
Ang sinumang mahuhuling lalabag sa gun ban ay may nakaabang na parusang isa hanggang anim na taong pagkabilanggo.
Ang mga kandidatong lalabag dito ay permamentong disqualified sa eleksiyon at tatanggalan pa ng karapatang makaboto.
Kung ang foreigners naman ang mahuhulihan ng baril sa oras ng gun ban, ipade-deport sila, ngunit kailangan muna nilang bunuin ang hatol sa bilangguan.
Sa ganang akin, magandang paraan ito upang mabawasan kahit papano ang mga nangyayaring karahasan sa tuwing sumasapit ang halalan.
Nasisiguro ko namang maraming responsible gun owners ang tatalima sa kautusang ito.
Ang problema lamang talaga ay iyong matitigas ang ulo, higit lalo ang mga pulitikong nagtataglay ng private armies.
Kaya sana, kasabay ng pagpapatupad ng gun ban ay paigtingin din ang pagbuwag sa mga private armies.
Batid nating tuwing sasapit ang araw ng kampanyahan ay naglalabas ng mga ‘hot spot’ ang Comelec sa mga probinsiya.
Isa sa dahilan kung bakit itinuturing nilang hot spot ang isang lugar ay dahil sa napapaulat na mga election related violence.
At sa puntong ito, dapat maging masigasig ang mga awtoridad upang malupil ang mga berdugong private armies, kasabay ng pagbibigay disqualifications sa mga amo nilang pulitiko.
Sa ganitong paraan lamang higit lalo mababawasan ang pagdanak ng dugo tuwing araw ng halalan.