Default Thumbnail

Gumagamit ng pangalan ng QCPD director sa ilegal na sugal ipina-aaresto

May 24, 2021 People's Tonight 315 views

NAGBABALA ang hepe ng Quezon City Police Department na agad niyang ipaaaresto ang mga ilegalistang kumakaladkad sa kanyang pangalan sa anumang uri ng ilegal na sugal at iba pang mga ilegal na gawain sa lungsod.

Ang babala ni QCPD chief Antonio Candido Yarra ay kasunod ng mga ulat na dumarating sa Camp Karingal na dalawang illegal gambling operators ang nagpapalaro sa lungsod ng lotteng at kinakaladkad umano ang opisina
ng heneral na siyang nagbigay ng basbas.

Maging ang pamunuan ng National Capital Region Police Office ay nagpalabas din ng utos na arestuhin ang dalawang ilegalista bunsod ng ulat na ginagamit din nila ang opisina ng NCRPO director sa kanilang illegal gambling operations.

Nauna nang iniutos ni Mayor Joy Belmonte sa lokal na kapulisan na linisin ang anumang uri ng ilegal na gawain at masasamang bisyo sa lungsod at pangunahin dito ang kampanya sa droga at illegal number’s game tulad ng jueteng at lotteng.

“Sa gitna ng pandemya ay higit nating pag-ibayuhin at ‘wag tantanan ang kampanya
laban sa mga ilegalistang nagsasamantala sa kahirapan ng ating mamamayan tulad
ng paglalako ng droga at operasyon ng illegal na sugal,” pahayag noon ng opisina ng alkalde.

Ipinag-utos na rin ng punong-lungsod sa buong pamunuan ng QCPD na bukod na manmanan at sugpuin ang iba pang grupo ng mga kriminal at ilegalistang namumugaran sa lungsod.

AUTHOR PROFILE