Default Thumbnail

Gulong nasobrahan ng hangin, sumabog; vulcanizer dedo

March 21, 2023 Zaida I. Delos Reyes 261 views

PATAY ang isang vulcanizer matapos na masabugan ng gulong na nasobrahan sa hangin sa loob ng isang talyer sa Tuao, Cagayan.

Ang biktima ay nagkasugat-sugat ang ulo at naputulan ng kaliwang kamay, nasa hustong gulang, at residente ng lalawigan.

Ayon kay Police Major Jhun Jhun Balisi, hepe ng Tuao Police Station, iniwan ng biktima ang hinahanginang gulong gamit ang compressor sa loob ng talyer upang ayusin ang iba pa niyang trabaho.

Gayunman, makalipas ang ilang minuto ay bigla na lamang sumabog ang gulong at nahagip ang ulo at katawan ng biktima na naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Hinala ng mga awtoridad, nasobrahan sa hangin ang gulong kung kaya’t sumabog ito.

Payo naman ng Philippine National Police (PNP), mag-ingat sa tuwing magsasagawa ng ganitong serbisyo at ingatan ang kapakanan ng nagpapagawa.