Default Thumbnail

Gulo sa Malabang, Lanao Del Sur

July 28, 2022 Marlon Purification 302 views

Marlon PurificationPERSONAL na nagtungo sa Camp Crame si Malabang, Lanao del Sur mayoralty candidate Al Rashid Macapodi upang humingi ng tulong na maimbestigahan ang pagpatay sa dalawa niyang tauhan at pagkasugat ng maraming iba pa sa nagdaang halalan sa nasabing bayan.

Si Macapodi ay hinarap ni CIDG chief Maj. Gen. Eliseo Cruz.

Sinabi ni Macapodi na bagaman nasa ilalim ng Comelec control, naging magulo at masalimuot ang halalan sa kanilang lugar. May isang insidente pa aniya na naganap ito sa mismong loob ng polling precinct.

Isa sa reklamo nito ay ang kakulangan ng pulis at Marines na itinalaga sa kanilang bayan at karamihan sa mga ito ay walang mga name plates.

Sa isang CCTV video, makikita pa ang halos kalahati ng mahabang armas na lumabas sa gate ng eskuwelahan, ang bumaril at pumaslang sa dalawang supporter ni Macapodi sakay sa isang pick up.

May reklamo rin ang isang babae na binugbog ang ama nito ng 10 armadong kalalakihan na diumano’y tauhan ng ilang kalabang kandidato.

Inirereklamo ni Macapodi ang kabagalan ng isinasagawang imbestigasyon ng kanilang lokal na pulisya. “Habang walang malinaw na resulta sa imbestigasyon, walang malinaw na hustisya para sa mg biktima,” sabi pa ni Macapodi.

Sinabi ni Macapodi na dapat ay may ma-relieve na kinauukulan upang maalis sa isip ng kanilang kababayan na nawa-white wash na ang hinihingi nilang hustisya.

Aniya pa, maraming botante niya ang natakot nang bumoto dahil sa pag terrorize ng mga armadong grupo.

Nagsumite na ng protesta si Macapodi sa Comelec kung saan ay ipinadedeklara niya ang failure of elections.

Tiwala itong magagawan ng aksiyon ng Comelec ang inihain niyang reklamo at nagtitiwala rin sa pamunuan ng PNP na magkaroon ng linaw ang hinihingi nilang imbestigasyon.

Kung ako ang tatanungin, maganda ang ginawang hakbang na ito ni Macapodi.

Alam naman kasi nating lahat na ang eleksiyon sa mga probinsiya ay nagiging madugo.

Tama ang ginawa nitong pagtungo sa Camp Crame at tama ang ginawang paghahain ng protesta sa Comelec.

Ito ang nararapat na paraan kaysa tapatan din ng karahasan ang ginagawa ng kanyang mga kalaban.

Umaasa tayong magbibigay din ng agarang aksiyon si Gen. Eli Cruz tungkol dito.