‘Guinea pig’ ng mga kaibigan at pamilya

May 19, 2021 Allan L. Encarnacion 61 views

HABANG lumilipas ang mga araw, unti-unti ay nakukumbinsi na akong magpabakuna.

Matagal na akong hinikayat ng mga friends natin na magpabakuna pero talagang hinayaan ko munang marami-rami na ang naturukan. Apektado rin ako ng iba’t ibang balita, negatibo at positibong epekto ng mga klase ng bakuna.

Iyong kapatid ko, hipag at mga pamangkin na sa Farmville, Virginia, naturukan na sila ng first and second dose ng Moderna. Tinanong ko mga side effect, mukhang wala naman maliban sa konting sakit ng katawan at balikat na natural lang sa bakuna.

Napansin ko, magmula nang maturukan ng Moderna ang kapatid ko, dumalas siyang magpadala ng dolyar, nagiging galante pala kapag nakabakuna. Kidding aside, okey naman sila matapos ang dalawang turok.

At ang Moderna ay nagsisimula na ring mag-develop ng booster na parang pang 3rd shot na hindi naman mandatary pero mukhang kailangan.

May mga available naman nang Astrazeneca at Sinovac pero hindi pa naman tayo nakapagpapalista. Kaya lang, kung minsan, nakakahiya rin sa mga kausap ko kasi bakunado na sila tapos ako hindi.

Mukhang kailangan ko na rin magpaturok hindi lang para sa pamilya bagkus ay para maging bahagi ng solusyon ng bayan na maabot ang herd immunity ng bansa.

Naghihintay na lang iyong mga friend ko ng go signal kung kailan ko gustong magpaturok kasabay ng aking pamilya. Siyempre kailangan ko ring isabay ang kapatid ko at ang long time kong confidante na 25 years ko nang personal secretary dahil iyon ang frontliner namin. May mga kaibigan at kamag-anak ang nag-aabang kung kailan ako magpapabakuna kaya marami-rami ring akong hakot sa magiging desisyon ko. Ako pala ang guinea pig nila kaya kailangan tama ang aking desisyon!

Available na ang Astrazeneca sa QC okey na rin sana pero mas gusto ko ang Sinovac, lalo na’t maganda ang UK review ng mga health experts. Ang top choice ko sana ay Moderna, Pfizer, Sputnik or Sinovac, wala sa listahan ko ang Astra bagama’t maayos na rin naman ang bakuna na ito.

Pero at the end of the day, kailangan na rin nating lahat na magpabakuna kung ano man ang available. Sabi nga ni Quezon Congresswoman Helen Tan na isa ring duktor, ang pinakamabisang bakuna ay ang mismong available na bakuna.

Dalangin natin na dumating na sa June ang gusto nating bakuna para makadagdag tayo sa statistical target ng gobyerno na 70% ng populasyon ay maturukan na.

Balitaan ko kayo kapag nabakunahan na ako. Pero habang wala pa, patuloy tayong mag-ingat at sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols ng IATF.

allanpunglo@gmail.com