Guimba VM, umupo bilang bagong mayor
GUIMBA, Nueva Ecija – Iniluklok na si incumbent Vice Mayor Jesulito E. Galapon bilang bagong Guimba municipal mayor, kasunod ng pagkamatay ni three-term Mayor Jose “Boyong-Boyong” Dizon dahil sa matagal ng karamdaman nitong nakaraang Mayo 3, 2023.
Pormal nang nanumpa sa tungkulin si Galapon sa harap ni Nueva Ecija Governor Aurelio M. Umali, sa tahanan ng gobernador sa Barangay Soledad, Sta. Rosa nitong Mayo 9.
Si Dizon, 78, ay dating pangulo ng League of Municipalities of the Philippines-Nueva Ecija (LMP-NE) chapter mula 2019-2022, at unang nanilbihan bilang alkalde noong 1988-1992 bago nahalal nang tatlong termino bilang mayor muli nitong 2016 hanggang 2025.
Iniluklok din ni Umali, ang anak ni Dizon na si Jose Lucius Pocholo “Bopet” Dizon, isang dating tatlong terminong alkalde ng Guimba mula 1998-2007 bilang kapalit ang yumaong si Roseller T. De Guzman, na namatay noong Agosto ng nakaraang taon habang nagsisilbi sa kanyang ikalawang termino bilang board member ng unang distrito ng lalawigan.
Sa parehong kaganapan, iniluklok din ng gobernador si “number one” Councilor Darlene Jahne Antoinette “Diane” Beltran bilang bagong bise alkalde ng Guimba.
Samantala, si Bonbon M. Dizon naman ay nahirang bilang pang-walong konsehal ng bayan matapos siyang irekomenda ng partido ni Umali na Unang Sigaw Partido ng Pagbabago bilang bagong miyembro ng konseho ng bayan.