Default Thumbnail

‘Guessing game’

June 20, 2021 Vic Reyes 702 views

Vic ReyesPINAGHANDAAN na ng Malakanyang ang huling state of the nation address o SONA ni Pangulong Digong Duterte.

Sa kanyang pang-anim at huling SONA, inaasahang ihahayag ni Duterte ang kanyang mga nagawa sa nakalipas na limang taon.

Ang panunungkulan ni Duterte bilang pangulo ng republika ay nagsimula noong katanghaliang tapat ng Hunyo 30, 2016.

Ang anim na taong Duterte presidency ay magtatapos sa Hunyo 30, 2022.

Sa tingin natin, masesentro ang SONA ng Pangulong Digong sa mga nagawa niya para puksain ang tatlong pangunahing problema ng bansa.

Ito ang illegal drugs, graft and corruption at kriminalidad.

Pero ang higit na aabangan ng publiko ay kung ano ang ginawa ni Duterte para gumanda ang buhay ng taumbayan.

Nabigyang solusyon ba niya ang kahirapan, kawalan ng trabaho at hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng mga bilihin?

Kagaya noong isang taon, limitado lang ang bilang ng mga dadalo sa SONA na gagawin sa session hall ng House of Representatives sa Quezon City.

Striktong ipatutupad ang mga health, safety at security protocols sa labas at loob ng session hall.

Ang hindi na lang malinaw, me balak pa bang mag-serbisyo publiko si Duterte pagkatapos ng kanyang termino bilang pangulo?

Katulad nang kanyang pagtakbo bilang pangulo noong 2016, “guessing game” ito sa tumbayan!

***

Nagsimula na ang lipatan ng partido politikal.

Ito ay bilang paghahanda para sa darating na 2022 eleksyon.

May kanya-kanyang rason ang mga lilipat ng partido.

Bagama’t hindi bawal ang paglipat ng partido potikal, masagwa pa rin itong tingnan sa marami nating kababayan.

Sa isang banda naman, parte ‘yan ng participatory democracy na umiiral sa Pilipinas.

Pero ang hindi katanggap-tanggap ay ang paglipat kaagad ng mga talunan at nanalong kandidato sa bagong administrasyon.

Ang tawag sa mga iyan ay balimbing.

Sa political history ng bansa, ito ay nangyayari tuwing may bagong presidente.

Sa ibang matitibay ang sikmura at makakapal ang mukha, okay lang ito.

Kailangan daw sumama ka sa agos para tuloy ang biyaya.

Tsk tsk tsk…

***

Noong Biyernes, dalawamput-isang sasakyan ang winasak ng Bureau of Customs sa Manila at Cagayan de Oro City.

Nagkakahalaga ng P58.55 milyon ang mga puslit na sasakyan.

Ang pitong sasakyang sinira sa Port Area, Manila ay galing MICP, PoM at Port of Subic.

Ang mga dinurog naman sa Diamond Logistic sa Cagayan de Oro ay labing-apat na knocked-down used Mitsubishi jeeps .

Ang mga sasakyan ay nakumpiska ng BoC mula 2018 hanggang 2020.

Ang pagdurog sa mga puslit na sasakyan ay pagtalima sa Presidential Directive 2017-447.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa#0921-4765430/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE