“Guessing game”

May 22, 2022 Vic Reyes 50 views

Vic ReyesKahit palapit na ang katapusan ng anim na taong administrasyong Duterte ay lalo pang pinaiigting ng Bureau of Customs (BOC) ang kampanya laban sa ismagling.

Ayaw kasi ni BOC Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero na “makahinga ng maluwag” ang mga ismagler bago matapos ang kanyang termino sa “snake-infested” na aduana.

Dahil sa “all-out war” ni Guerrero, laban sa mga ismagler ay kung saan-saan na nagpaparating ng kontrabando ang mga “economic saboteur”na ito.

Kamakailan lang nga ay nakasakote ang mga tauhan ni Commissioner Guerrero ng mga imported na pekeng produkto sa Bacoor, Cavite at Balagtas, Bulacan.

Ang mga kontrabando ay kinabibilangan ng damit, sapatos, construction materials, power tools, marine communication and telecommunication devices at ibat-ibang foodstuff.

Ayon sa BOC, ang mga puslit na produkto ay nagkakahalaga ng mahigit P668 milyon.

Ang mga sumalakay sa mga bodega sa Cavite at Bulacan ay mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Intellectual Property Rights Division (IPRD).

Karamihan sa mga kontrabando, na nagkakahalaga ng mahigit na P590 milyon, ay nakapaloob sa dalawang 40-foot shipping containers sa Syudad ng Bacoor.

Ang mga natitirang pekeng produkto na nagkakahalaga ng P78 milyon ay nakita sa isang compound sa Balagtas, Bulacan.

Pansamantalang ikinandado ng mga taga-CIIS ang mga bodega. At inutusan ang mga warehouse representative at may-ari ng mga container na mag-submit ng mga kaukulang dokumento.

***

Hanggang ngayon ay “guessing game” pa rin ang nangyayari sa aduana kung sino ang papalit kay Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

Sa tingin ng mga waterfront stakeholder, kasama na ang mga customs-based print at broadcast journalist, ay talagang matindi ang nangyayaring “agawan” ng puwesto.

Hindi kasi lingid sa kaalaman ng publiko na ang isa sa mga pinaglalawayang puwesto sa gobyerno ay ang pagka-hepe ng BOC.

Noong mga nakaraang panahon ay bali-balitang nanggagaling sa aduana ang bulto ng campaign fund ng maraming politiko tuwing may eleksyon sa bansa.

Ang tingin nila ay isang malawak na “minahan” o “gold mine” ang aduana. Ang hindi nila alam ay puro sakit ng ulo ang aabutin ng isang matinong lingkod-bayan na uupo sa puwesto.

Kaya nga madalas noon ay maririnig sa “waterfront community” ang mga salitang “bata ‘yan ni senador,” “pasok ‘yan ni congressman,” “tao ‘yan ni heneral” at “sa Malakanyan ‘yan.”

Pero nagbago ang sitwasyon nang umupo si Pangulong Duterte sa Malakanyang.

Mukhang nawala ang mga naghari-harian sa aduana, lalo na nang naging commissioner si Sir Jagger, na kilalang “strict but fair” na lingkod-bayan mula pa noong nasa militar siya.

Kahit may pandemya, nagawang pataasin ni Comm. Jagger ang buwanang tax collection ng ahensya.

Pero naniniwala tayo na magagawa ring paangatin ang koleksyon ng BOC ng papalit kay Commissioner Guerrero, nandiyan naman kasi ang matitinong opisyal at kawani ng ahensya.

***

Mukhang napaaga ang pagdating ng tag-ulan sa bansa.

Mabuti naman dahil sobra ang init na nararamdaman natin kahit palubog na ang haring araw.

Maraming pamilya tuloy ang lumaki ang konsumo ng kuryente dahil napipilitan silang gumamit ng mga aircon at electric fan.

Sa pagpasok ng rainy months, dapat maging alerto tayo laban sa mga sakit na leptospirosis, dengue, trangkaso, ubo at diarrhea.

Napakagastos maospital ngayon.

At kahit na hindi ma-confine sa ospital, saan naman kukuha ng pambili ng gamot kung wala naman trabaho?

Ang tanging magagawa ng mga mahihirap ay mag-ingat na lang.

Kaya lang , paano naman ang mga kailangang lumusong sa marumi at mabahong tubig-baha para kumita kahit papaano.

Delikado ito kapag may sugat dahil baka magka-leptospirosis gawa nga ng maruming tubig-baha kung saan nakukuha ang sakit na ito.

Kaya nga palagi nating panatilihing malinis ang ating kapaligiran para walang pamugaran ng mga daga, lamok, ipis at iba pang insekto na pinanggagalingan ng maraming sakit.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE