Grupo ng kababaihan, PWD sa Davao tumanggap ng tulong mula sa DOLE

October 5, 2021 People's Tonight 181 views

MAHIGIT isang daang mga manggagawang kababaihan at person with disabilities (PWDs) ang tumanggap ng tulong-pangkabuhayan at pansamantalang trabaho mula sa labor department.

Sa ulat kay Labor Secretary Silvestre ‘Bebot’ Bello III, ang Department of Labor and Employment-XI ay nagbigay ng tulong-pangkabuhayan sa 30 miyembro ng Barangay DEL Women Association at cash-for-work para sa may 80 miyembro ng United Blind Masseurs Association, Rejuvenating Blind Masseurs Association, at Association of Differently-Abled Persons.

Pinamunuan ng Davao Oriental Field Office (DOFO) ang pamamahagi ng Buko Pie Making Start-Up Kits sa Barangay DEL Women’s Association na matatagpuan sa Brgy. Don Enrique Lopez sa Mati City noong Setyembre 23.

Sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Lungsod ng Mati, ang mga miyembro ay sasailalim sa isang dalawang-araw na pagsasanay sa paggawa ng buko pie at coaching sa basic inventory, budgeting, accounting, at iba pang kasanayang pangnegosyo.

Ayon kay DOLE XI OIC-Regional Director Randolf C. Pensoy, ang programa ay bahagi ng kanilang pagpupunyagi na makapagbigay ng tulong-pangkabuhayan sa mga manggagawa sa impornal na sektor ng Davao Oriental.

“Layunin naming gawing isang matatag at pangmatagalang negosyo ang kanilang kabuhayan,” dagdag ni Pensoy.

Pinasalamatan ni Melodina Arceño, presidente ng Federated Women President, ang DOLE XI at ang Pamahalaang Lungsod ng Mati sa oportunidad at suportang ibinigay sa kanilang asosasyon.

Samantala, may 80 PWDs sa Davao City ang nakinabang mula sa programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).

Nagtrabaho ang mga benepisaryo sa proyektong pang-pamayanan tulad ng paglilinis at pagpapaganda ng kani-kanilang barangay sa loob ng 15 araw o mula Hulyo 21 hanggang Agosto 3.

Ang kanilang sahod, na nagkakahalaga ng P396 bawat araw, ay ipinadala sa pamamagitan ng mga remittance center at bahay-bahay na pagbabayad bilang pagsunod sa minimum health and safety protocol.

“Panahon nga nag-lockdown tungod sa pandemya, naguol gyud kaayo ko sip usa ka single parent kay unsaon na lang ang panginahanglan sa akong upat kaanak kung wala ko’y trabaho (Nang ilagay ang ating bansa sa lockdown dahil sa pandemya, nag-alala talaga ako dahil bilang isang solong magulang, paano ko maibibigay ang mga pangunahing pangangailangan ng aking mga anak matapos mawalan ako ng trabaho),” pahayag ng benepisaryo ng TUPAD na si Michael C. Domingo, isang masahista na may kapansanan sa paningin at nawalan ng trabaho matapos magsara ang mga massage clinic.

“Daghang salamat sa kay Secretary Bello ug sa DOLE Region XI sa tabang pinaagi sa TUPAD. Wala gyud mi ninyo pasagdahi sa panahon sa kalisod. Apan ang among kondisyon isip PWD, dili kini mahimong babag para kami magpadayon sa kinabuhi. Ang TUPAD usa ka nagpamatuod na bisan aduna’y limitasyon, makaya namong mga PWD mubarog panahon sa krisis (Maraming salamat Secretary Bello at DOLE Region XI, para sa tulong mula sa TUPAD. Hindi mo kami pinabayaan lalo na ngayong panahon ng paghihirap. At walang pag-aalinlangan na ang aming kapansanan ay hindi hadlang upang magpatuloy sa buhay. Ang TUPAD ay isa lamang sa mga pagpapatunay na sa kabila ng limitasyon bilang PWD, malalampasan pa rin natin ang krisis),” pahayag ni Domingo nang may buong-tiwala.

“Ipinapakita nito ang determinasyon ng DOLE upang itaguyod ang pantay na mga pagkakataon sa pagtatrabaho para sa mga PWD. Sa pamamagitan ng TUPAD, hindi namin simpleng tinutulungan ang aming mga benepisyaryong PWD. Binibigyan din namin sila ng lakas sa pamamagitan ng pagbibigay ng pag-asa at paghikayat na maging matatag,” wika ni OIC-Regional Director Pensoy.

AUTHOR PROFILE