Group

Grupo ng Filipino-Chinese businessmen sumuporta sa SPEEd Christmas Party for a Cause

November 30, 2024 Ian F. Fariñas 113 views

MULING nakipagtulungan ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) sa Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) sa pagbibigay-tulong sa mga nasalanta ng bagyo.

Mismong ang FFCCCII president na si Dr. Cecilio Pedro, kasama si Wilson Lee Flores, FFCCCII Public Information Committee chairman, ang nag-abot ng donasyon kay SPEEd president Salve Asis para sa Christmas Party for a Cause ng entertainment editors’ group sa isang intimate get-together nitong Biyernes.

Actually, regular ang partnership ng FFCCCII at SPEEd sa iba’t ibang outreach program. Ang pinakahuli nga ay ang two-day medical/dental mission sa Nampicuan, Nueva Ecija at Dingalan, Aurora.

Ani Dr. Pedro, “Napaka-importante po ng media personnel. Kayo po ang bida rito, kayo po ang pag-asa ng bayan kasi nagdadala kayo ng magandang balita. Kayo ang nagdadala ng happy, ‘di lang Hapee toothpaste, but you bring happiness to many, many Filipino consumers. Kayo ang bida rito, kayo ang gusto namin dapat pasalamatan.”

Malapit ang puso ni Dr. Pedro sa mga taga-showbiz dahil siya rin ang presidente/CEO ng Lamoiyan Corporation, makers ng Hapee Toothpaste at Dazz Dishwashing Paste/Liquid, na dating iniendorso nina Ruffa Gutierrez, Lea Salonga, Angel Locsin, yumaong Master Showman German Moreno, atbp.

Sey ni Dr. Pedro, nami-miss na nga niya si Kuya Germs, na siyang nag-i-endorse noon ng mga artistang pwede niyang gawing celebrity endorsers ng Lamoiyan products.

Kasabay nito, pinasalamatan din ni Dr. Pedro ang tinaguriang “King of Pinoy Christmas Carols” na si Jose Mari Chan sa patuloy na suporta sa socio-civic endeavors ng FFCCCII.

Ayon sa kanya, hindi lang mahusay na singer/songwriter/businessman si Jose Mari, matulungin at matibay din ang commitment nito sa mga programa ng kanilang samahan.

Mahigit apat na dekada na umanong nakikipagtulungan si Jose Mari sa FFCCCII pagdating sa calamity relief, libreng medical missions, scholarship grants, pagtatayo ng rural public schools, assistance sa Filipino-Chinese volunteer fire brigades at marami pang iba.

Nitong nakaraang sunod-sunod na pagbagyo, naglaan daw ang FFCCCII at ang Filipino at Tsino Magkaibigan Foundation ng P60-P65M para sa bigas na ipinamahagi ng grupo ng mga negosyante sa iba’t ibang lugar na nasalanta gaya ng Bicol, Pampanga, Tarlac, Metro Manila, atbp.

Sa nalalapit na Kapaskuhan, patuloy na dadamay at makikiisa ang FFCCCII sa mga pamilyang Pinoy na mangangailangan ng tulong at kalinga sa ngalan ng bayanihan.

AUTHOR PROFILE