Cayetano Taguig City Mayor Lani Cayetano

Grave coercion, illegal detention laban kay Mayor Lani ibinasura

September 19, 2024 People's Tonight 83 views

IBINASURA ng Office of the City Prosecutor ng Taguig ang mga reklamong illegal detention at grave coercion na isinampa laban kina Taguig City Mayor Lani Cayetano, City Administrator Jose Luis Montales, Business Permits and Licensing Office Head Maria Theresa Veloso, Traffic Management Office Head Danny Cañaveral at ilang hindi pa nakikilalang mga indibidwal.

Batay sa konklusyon na ang mga nagrereklamo bigong magbigay ng sapat na ebidensya upang patunayan ang mga kasong isinampa laban sa mga idinemanda.

Isinampa nina Salvador C. Palisa, Ryalyn B. Almazar, Joven P. Mediavillo at Salvador G. Mercado, na pawang mga empleyado ng Makati City Government, ang reklamo.

Kaugnay ang reklamo sa mga insidenteng naganap mula Marso 1 hanggang 3, 2024 na may kinalaman sa pagsasara ng Makati Park and Garden at Makati Aqua Sports Arena (MASA) dahil sa kawalan ng kaukulang permit mula sa pamahalaan.

Ayon sa mga nagrereklamo, ang mga opisyal at tauhan ng Taguig ikinulong sila sa loob ng parke at hinadlangan silang makapasok o makalabas sa lugar.

Matapos ang pagsusuri, napag-alaman ng Office of the City Prosecutor na ang mga alegasyon ng mga nagrereklamo hindi sapat upang patunayan ang mga kasong isinampa, at ang mga ebidensya na kanilang isinumite kulang at hindi tugma.

Matatandaang noong Disyembre 1, 2021, nagdesisyon ang Korte Suprema na ang Fort Bonifacio Military Reservation, kasama ang 10 EMBO barangays bahagi ng Taguig “by legal rights and historic title.”

Naging final and executory ang desisyon noong Setyembre 28, 2022.

Matatagpuan ang Makati Park and Garden at Makati Aqua Sports Arena sa Brgy. West Rembo, isa sa mga EMBO barangays na naibalik sa Taguig.

AUTHOR PROFILE