Default Thumbnail

Grassroot members ng PDP-Laban sa Bulacan pumalag kay Cusi

May 29, 2021 Marlon Purification 403 views

Marlon PurificationDISMAYADO ang daang libong bilang na miyembro ng PDP-Laban sa buong Bulacan province kay Energy Secretary Alfonso Cusi.

Ayon kay Jojo Jelo Lopez, presidente ng PDP-Laban Bulacan Municipal Council, kahit kailan ay hindi nakipag-ugnayan sa kanila si Sec. Cusi na tumatayong vice-chairman ng rulling party ng administrasyon.

‘Nababastos po kami at naiinsulto kami! Samantalang noong araw, 2008, kami ang mga original na PDP Laban members dito sa Bulacan. Wala man lang pumapansin sa amin at alam iyan ni dating Vice-President Jejomar Binay, dating Senate President Koko Pimentel, lalo na po iyong nasirang Senate President Aquilino ‘Nene’ Pimentel,” ani Lopez sa ‘UNCOVERED’.

Aniya, hindi magandang magamit ang partido sa kanilang lalawigan para lamang siraan si Senador Manny Pacquiao na siyang national president ng PDP-Laban ngayon.

“Ang lumabas na ulat na may kumalat na manifesto ng partido sa aming probinsiya ay pinaikot ng mga malalaking pulitiko rito sa amin na kailan lang naging PDP Laban member. Pero kaming mga original ay nilagpasan nila at binalewala para hingin ang aming opinyon,” sabi pa ni Lopez.

Ayon sa kanya, kung ikukumpara ang bilang ng iilang malalaking pulitiko sa Bulacan na miyembro ng PDP Laban, hamak na mas malaki ang kanilang bilang dahil simula taong 2008 hanggang taong 2017, aabot na sila sa mahigit 100,000 miyembro.

“Kami iyong mga dumalo sa basic membership seminar (BMS) at hindi kami katulad ng ibang pulitiko na naglundagan at naging balimbing nang maupo na bilang Pangulo si President Rodrigo Duterte,” dagdag pa nito.

“Dati nagpapa-seminar (BMS) kami base sa utos ni VP Binay at SP Nene Pimentel. Walang nag-aatend na malalaking pulitiko. Lahat naka-rekord sa national council sa Harrison, Pasay City na nasa tapat ng Cuneta Astrodome. Simula nang manalo si Pangulong Duterte, ang malalaking pulitiko ay nagbalimbingan na at na-bypass na kami sa kagustuhan nilang manalo noong 2019 midterm elections. Lahat ng nakaupong pulitiko (ngayon sa Bulacan) ay lahat mga baguhan sa PDP Laban,” saad pa nito.

Bilang patunay na hindi nila sinusuportahan ang lumabas na ulat na binabatikos si Pacquiao ng PDP-Laban sa Bulacan, lahat ng council president ng partido mula sa 54 bayan at lungsod ng lalawigan ay sama-samang naglabas ng pahayag na sinusuportahan nila ang pambansang kamao.

Idinagdag ni Lopez na nitong nakalipas na pandemya ay wala silang natikman na kahit karampot na ayuda mula kay Sec. Cusi, samantalang si Senator Pacquiao sa pamamagitan ng People’s Champ Community ay nagpadala sa kanila ng tulong.

Sinusuportahan din nila ang ipinalabas na pahayag ni Senador Pacquiao na illegal at dapat lamang i-boycot ang panawagan ni Sec. Cusi na magkaroon ng general assembly sa darating na May 31 (Lunes).

“Sana mag-usap muna sila Senator Manny at Sec. Cusi. Sana rin ‘wag kaming lagpasan ni Sec. Cusi rito dahil labis-labis kaming naiinsulto. Kami ang mga original na PDP Laban na mahihirap sa Bulacan. Wala kaming puwesto sa gobyerno at hindi kami malalaking pulitiko pero kami ang tunay na loyal sa partido. Ang partidong nakatingin sa mahihirap, maka-Diyos at tunay na may pusong namumuno para sa bayan,” dagdag pa nito.

Sa manifesto na nakuha ng inyong lingkod, pinasaringan ng mga ‘grassroot members’ ng PDP Bulacan ang umano’y 10-man wrecking crew na walang ibang planong gawin kundi sirain ang liderato ni Pacquiao at paghati-hatiin ang mga namumuno at miyembro ng partido.

“We were not invited to any such meeting and no quorum was met for them to allude that the whole chapter is behind their statement. The said meeting was composed mostly of relatively new members who are either politically appointed officials or politicians, not the grassroots members that compose majority of our beloved party,” anang manifesto.

Sa nangyayaring ito, abangan pa natin ang susunod na kabanata dahil nasisiguro ko na hindi lamang Bulacan chapter ng PDP Laban ang magugulo hangga’t may sigalot sa pagitan nina Pacquiao at Cusi na dapat ay ayusin na rin mismo ng Pangulong Duterte na siyang national chairman ng partido.