Default Thumbnail

Grade 8 student ginahasa ng kaklase sa QC Memorial Circle

January 5, 2023 Melnie Ragasa-limena 426 views

Nahaharap sa kasong rape ang isang Grade 8 student matapos na pagsamantalahan ang kaniyang kaklaseng babae na menor de edad sa comfort room na nasa loob ng Quezon City Memorial Circle (QCMC), sa Quezon City, Miyerkules ng hapon.

Ang suspek na 19-anyos na gulang ay residente ng Brgy. Pinyahan, Quezon City.

Sa report ng Kamuning Police Station (PS 10) Quezon City Police District (QCPD), bandang 3:20 ng hapon (January 4), nang maganap ang insidente sa loob ng female comfort room sa covered court na nasa loob ng Quezon City Memorial Circle (QCMC), sa Brgy Central, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Abegail M Falogme ng Women and Children Concern Section (WCCS) ng PS 10, sinabihan umano ng suspek ang kaniyang kaklaseng menor de edad na babae na magkita sila sa QCMC pagtapos ng klase.

Nakipagkita naman ang biktima sa suspek pero pagdating niya ay inutusan siya na pumasok sa female comfort room na nasa covered court dahil may sasabihin umano ito sa kaniya.

Bagamat nagtataka ang biktima ay pumasok naman siya sa CR at sumunod naman sa loob ang suspek at dinala ang dalagita sa ikatlong cubicle saka ikinadado ang pinto.

Doon ay biglang pinaghahalikan umano ang dalagita ng suspek, saka hinubaran at saka pinagsamantalahan.

Matapos na mairaos ng binata ang kaniyang pagnanasa ay saka lang pinalabas ang dalagita na agad namang nagsumbong sa mga pulis na sina Pat Roldan R Lanceta at Pat Jhiro P Geronimo, na nakatalaga sa City Hall Detachment, at inaresto ang suspek.

Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa RA 8353 at RA 7610 laban sa suspek.