Grade 6 student nagbigti

January 25, 2022 Edd Reyes 135 views

NAGING palaisipan sa pulisya at sa pamilya ng Grade 6 na estudyante ang umano’y ginawa nitong pagpapatiwakal sa loob ng kanilang bahay sa Malabon City.

Nadiskubre ang bangkay ng 12-anyos na estudyante dakong alas-7 ng gabi noong Sabado, Enero 22, sa loob ng kanyang silid sa ikalawang palapag ng kanilang tirahan sa Barangay Potrero.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Malabon Police Chief P. Col. Albert Barot nito lamang Lunes ng hapon, huling nakitang buhay ang biktima ng kanyang 20-anyos na kapatid na lalaki dakong alas-5 ng hapon ng Sabado sa kanilang tirahan.

Dakong alas-7 ng gabi nang tumawag ang kanilang ama at inutusan ang panganay na tawagin ang biktima para kausapin kaya’t umakyat kaagad ang binata patungo sa silid at dito niya nakita ang kapatid na nakadapa at may nakapulupot na lubid ng duyan sa leeg.

Kaagad niyang tinawag ang kanilang ina na noon ay nagluluto ng pagkain at kaagad nilang isinugod ang biktima, sa tulong ng mga kapitbahay, sa Fatima University Medical Center kung saan siya idineklarang “dead-on-arrival” ng mga doktor.

Sinabi ni Col. Barot na hinihintay pa nina P/SSgt Mardelio Osting at P/Cpl. Renz Marlon Baniqued, may hawak ng kaso, ang resulta ng isinagawang pag-autopsiya sa bangkay ng biktima bago magsagawang muli ng pagsisiyasat sa kaso.

AUTHOR PROFILE