Posas1

Grade 12 student timbog sa FB bomb threat

October 5, 2023 Melnie Ragasa-limena 267 views

NAARESTO na ng pulisya ang isang menor de edad na diumano ay responsable sa pagpapadala ng bomb threat sa San Francisco High School noong Lunes.

Nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detention Unit (CIDU) ang Grade 12 student na suspek.

Ayon kay QCPD-CIDU chief PMaj. Don Don Llapitan, agad na ipinadala ng Quezon City District Anti Cybercrime Team ang FB post sa PNP ACG at lumitaw na ang Facebook Account na ginamit ng suspek ay konektado sa cellphone number na pagmamay ari ng binatilyo.

Matatandaan na dakong alas 7:03 ng umaga nitong Lunes nang makatanggap ng FB post ang mga guro at estudyante ng ‘bomb threat’ na nakasaad ang “BABALA! Wag niyo pong papasukin ang inyong mga estudyante ngayong araw hanggang Wednesday. May nakapagsabi po sa akin na may pinakalat pong bomba sa school Ninyo ngayon at anytime ngayong araw o Wednesday ay sabay sabay silang sasabog. Nalaman din po naming kung sino sino ang mga nagtulungan upang magtanim ng mga bomba lalo na sa field. Wag niyo na pong hintayin na may mamatay pang estudyante bago ninyo ito pagtuunan ng pansin”.

Dahil dito pinalabas ang mga estudyante at guro sa paaralan hanggang magnegatibo ang report.

Nahaharap ito sa kasong paglabag sa P.D. 1727 (Malicious Dissemination of False Information or the Willful Making of Any Threat Concerning Bombs) o RA 10175(Cybercrime Prevention Act of 2012).