Grade 12 student di pumasa, nagbigti

June 30, 2022 Melnie Ragasa-limena 75 views

MALAKING hinila ng mga awtoridad na ang pagbagsak diumano sa isang subject sa paaralan at hindi makakamartsa sa graduation ang nagtulak sa 19-anyos na binata na magpatiwakal sa pamamagitan nang pagbibigti sa puno na nasa bakanteng lote sa Quezon City, Huwebes ng gabi.

Ang biktima ay isang grade 12 na estudyante at residente sa Barangay Greater Fairview, Quezon City.

Sa report ng Fairview Police Station (PS-5), bandang 10:30 ng gabi ng Hunyo 29 nang madiskubre ang nakabigting biktima sa puno na nasa tabi ng garahe sa isang bakanteng lote na matatagpuan sa Bgy. Greater Fairview, sa lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl. Christopher A Bustillo, hindi umano “pumasa” sa isang subject ang biktima at kaya ito ay hindi makakasama sa graduation ng kanyang paaralan.

Mula sa Bulacan ay umuwi umano ang biktima sa bahay ng kaniyang tiyahin sa Quezon City bandang 6:00 ng hapon subalit makalipas ang ilang minuto ay nagpaalam ito na may bibilhin lamang sa Fairview Centermall.

Pero ilang oras na ang nakalilipas ay hindi pa rin ito nakakabalik sa bahay ng tiyahin kaya hinanap na siya ng kaniyang mga kamag-anak.

Natagpuan na lamang ang biktima ng kaniyang pinsan na nakabigti ito sa puno sa tabi ng garahe ng bakanteng lote sa nasabing lugar.

Agad na inireport ng mga kaanak ang insidente sa mga awtoridad.