Grade 10 student sinaksak sa harap ng mga kaklase

October 4, 2022 Melnie Ragasa-limena 90 views

SUGATAN ang isang Grade 10 student nang saksakin sa harapan ng mga kasamang kaklase ng isang lalaki paglabas sa paaralan sa Quezon City, Lunes ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si AJ Calica Bona, 15, Grade 10 sa Jose P. Laurel high School, at residente ng 2B P. Tuazon st. Brgy. Tagumpay, Project 4, Quezon City.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Project 4 Police Station (PS-8), bandang alas 7:00 ng gabi (October 3), nang maganap ang insidente ‘di kalayuan sa pinapasukang paaralang ng biktima na matatagpuan sa Salalilia St., Brgy. Milagrosa, Project 4, sa lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni Pcpl. Paul-steve T Adolfo ng PS-8, kalalabas lamang umano sa paaralan ng biktima kasama ang tatlong kaklase niya nasa edad 15 at 16.

Habang naglalakad ay sumulpot ang suspek na naglabas ng patalim saka  bigla umanong  sinaksak ang biktima.

Nang duguang bumagsak ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek habang agad namang  humingi ng saklolo ang mga kasamang kaklase ng una sa mga opisyal ng barangay.

Sinugod ang biktima sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) sanhi ng tinamong malalim na saksak sa tiyan at kasalukuyan pang inoobserbahan.

Patuloy pang nagsasagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad sa krimen habang tinutugis pa ang nakatakas na suspek.