NDRRMC

Goring naghasik ng lagim; 1 nawawala, 197 apektado

August 30, 2023 Zaida I. Delos Reyes 54 views

ISA ang naiulat na nawawala sa Western Visayas habang aabot sa 196,926 katao o 56,410 pamilya ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Goring sa 832 barangay sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas at Cordillera.

Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sa nasabing bilang, 35,095 katao o 9,608 pamilya ang nasa loob ng 134 evacuation centers habang ang 13,903 katao ao 3,407 pamilya ay pansamantalang nanuluyan sa labas ng evacuation centers.

Sa tala ng NDRRMC, umaot sa 134 kabahayan ang napinsala, 82 sa mga ito ang partially damaged habang ang 52 ay totally damaged.

Pumalo na rin sa P41,175,000 ang naging pinsala sa infrastructure sa Cagayan, Mimaropa, Western Visayas at Cordillera.

Nakapagtala din ang NDRRMC ng 193 flooding incidents, 12 landslides, tatlong tornadoes , dalawang nabuwal na puno, isang maritime incident, isang vehicular incident at isang soil erosion.

Nasa 54 kalsada, 28 tulay ang hindi madaanan dahil sa pagkasira at pagbaha.

Nakaranas din ng power interruption sa 44 lungsod at munisipalidad sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, at Cordillera. Sa ngayon 38 sa mga lugar ay naibalik na ang supply ng kuryente.

Nagkaroon din ng water supply problem sa dalawang lugar sa Calabarzon at Western Visayas.

Anim na domestic flights din sa Cagayan ang nakansela.

Umabot din sa 67 seaport operations ang nakansela sa Cagayan, Calabarzon, Mimaropa, at Western Visayas na nagresulta sa pagkaka-stranded ng 60 pasahero, 10 barko at apat na motorbancas.

Nasa 169 klase din, 42 work schedules ang sinuspinde dahil sa bagyo.

Sa ngayon, umabot na din sa P7,844,038 halaga ng tulong ang naibigay sa mga biktima ng bagyong Goring.