Allan

Goodbye na ba sa libreng-sakay ng QC?

February 7, 2025 Allan L. Encarnacion 223 views

MASAKIT sa tainga ito para sa mga araw-araw na nakikinabang sa Bus Augmentation Prgram ng Quezon City government.

Ang QC lang ang natatanging lungsod sa buong bansa ang hindi tumigil sa paghahatid-sundo ng mga manggagawa, nanay, tatay, lola, ate kuya magmula pa noong pandemic.

Nabigyan ng pahintulot ng LTFRB ang QC na magsakay nang libre gamit ang mga designated stop sa ilalim ng kanilang Memorandum of Agreement dahil nga walang masyadong public transport noong mga panahong iyon ng pandemya.

Pero nang matapos ang pandemic, nagpasya si Mayor Joy Belmonte na ipagpatuloy ito dahil nga maraming mamamayan, taga-QC man o hindi, ang nakikinabang sa libreng sakay ng bus ng lungsod.

Ang mga konsiderasyon ni Mayor Joy ay ang pagtuloy na pagtaas ng pamasahe sa mga public transport. Mula sa pangkaraniwang bus na pinatatakbo ng krudo, nagdagdag pa ang QC ng mga bagong electric bus na mas environment friendly at talagang first class ang dating dati naka-wifi na, airconditioned pa.

Ang mga ruta ng bus ay QC Hall to Cubao, QC Hall to Litex / IBP Road, Welcome Rotonda to Aurora Katipunan, QC Hall to General Luis, QC Hall to Mindanao Ave. via Visayas Ave. QC Hall to Gilmore QC Hall to C5 / Ortigas Ave. Ext. at QC Hall to Muñoz. Araw-araw ito magmula 6am hanggang 9pm. Walang biyahe kapag holiday.

Ang average beneficiaries o mga nakikinabang sa libreng sakay ng QC na ito nasa 1.9 mlyon kada taon. Ibig sabihin, iyong mga sumakay dito ay hindi na gumastos para sa kanilang pamasahe. Ang mga natipid nila marahil ay nailaan na sa pagkain niya sa kanilang pinagtatrabahuhan or baka naibili pa ng pasalubong sa daratnang anak sa bahay na walang pagkain.

Ang problema ngayon, may mga naririnig tayong ugong na ipapatigil na ng LTFRB ang libreng sakay ng QC government.

Ang tanong, bakit? Pulitika ba yan? Unang-una, wala tayong nakikitang pinulitika ni Mayor Joy or ng city government ang libreng sakay nila. Hindi naman tinatanong ng kundoktor kung botante ba ng QC ang kanilang mga pasahero bago sumakay.

Wala rin tayong nakikitang pakinabang sa pulitika para kay Mayor Joy ito dahil wala naman siyang kalaban ngayon. Doon lang ay makikita mong napakadaling ipatigil ni Mayor ang libreng-sakay dahil wala naman siyang kalaban sa eleksiyon—kung pulitika nga ang pakay nito.

Dahil maganda nga ang layunin at walang anumang kulay, ipinagpatuloy ni Mayor ang libreng bus para nga sa kapakinabangan ng commuting public sa lungsod.

Ang tanong, sarili bang inisyatibo ng LTFB ang pagpapatigil sa free ride ng QC o may mga maimpluwensiyang city bus operators ang nagtutulak sa planong kanselasyon dito?

Dapat nga ay matuwa ang national government sa lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon dahil pinagagaan nito ang problema nila sa mga mahihirap nating kababayan sa pamamagitan ng libreng-sakay.

Sa halip na kanselahin, dapat nga ay suportahan pa ang programang ito ng lungsod.

Sumakit ang bangs ko sa planong ito ng LTFRB.

[email protected]