‘Good job’ na naman ang PNP!

July 15, 2021 Paul M. Gutierrez 194 views

PaulISANG job well done muli para sa Philippine National Police (PNP) sa kanilang pag-aresto sa dalawang hinihinalang miyembro ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) sa Taguig City. Mukhang bigatin o big fish ang kanilang “nalambat” dahil ang mga ito ay sangkot umano sa mga malalaking krimen na ginawa ng nasabing teroristang grupo.

Kinilala ang mga naaresto na sina Taupik Galbun alyas “Pa Wahid” at Saik Galbun alyas “Pa Tanda.”

Sinasabing sangkot ang mga ito sa pamumugot ng ulo sa tatlong katao at pagdukot sa tatlong guro sa Zamboanga City noong 2009 at sangkot din sa pag-kidnap sa mga kasapi ng Jehovah’s Witnesses sa Patikul, Sulu noong 2002.

Bagamat inaalam pa kung ano ang pakay ng mga ito dito sa Metro Manila, sinabi na ni Chief PNP Guillermo Eleazar na wala umanong dapat ikabahala ang publiko. Subalit siniguro din niya na hindi magiging kampante ang PNP sa banta ng terorismo.

Siyempre naman dahil alam natin na tuso ang galaw ng mga terorista at hindi natin alam kung kailan sila sasalakay.

Alam nating “walang kaluluwa” ang mga ito at walang pinipiling lugar at mga taong bibiktimahin.

Wala namang may nais na maulit ang mga pakana ng terorismo gaya noong Rizal Day Bombing noong 2000 at pambobomba sa Glorietta sa Makati noong 2007.

Walang nag-akala na mangyayari ang mga ito na kumitil sa maraming buhay ng ating mga kababayan.

Mabuti na lamang at naging mahusay ang intelligence work ng PNP para mahuli ang dalawang hinihinalang miyembro ng ASG.

Hindi maiiwasan na mapaisip ang publiko kung ano nga ba ang ginagawa ng mga ito sa Metro Manila.

Bagama’t nariyan ang kasiguraduhan ng PNP, alam nating malaki pa rin ang tulong na maibibigay ng ating mga kababayan sa pagiging mapagbantay.

Dahil alam din natin na hindi lamang terorismo ang binabantayan ng PNP. Nariyan pa rin ang banta na muling panunumbalik ng droga at iba pang kriminalidad.

Gayunpaman, malaki ang tiwala natin sa pamunuan ngayon ng PNP sa pangunguna syempre ni PNP Chief Guillermo Eleazar.

Alam natin ang tikas ng kaibigan nating ito at kilala natin pagdating sa trabaho. Alam niyang kahit na walang banta ngayon ang terorismo pero hindi niya hahayaan na basta na lamang makapaminsala ang mga ito.

Lalo na ngayon na bumabalik na ang tiwala at kumpiyansa ng publiko sa ating kapulisan. Magandang maging katuwang ng PNP ang publiko sa pagsugpo ng terorismo at sa lahat ng uri ng kriminalidad.

Kudos ulit, Chief PNP Guillor Eleazar!

At marapat lang na bigyan ka ng ‘extension,’ hindi ba, DILG Sec. Ed Año?

Abangan!

AUTHOR PROFILE